
HATAW News Team
KUNG PINAGHAHANDAAN na ni House Speaker at Leyte Representative Martin Romualdez ang kanyang pagtakbo sa pagkapangulo sa 2028, hindi lamang mga kalaban sa politika at mga nakadikit sa kanyang kontrobersiya ang kanyang haharapin — kundi pati ang kasaysayan mismo, iyan ay ayon sa mga eksperto sa politika.
Sa isang panayam, tinukoy ng political analyst at propesor na si Julio Teehankee ang tinatawag na ‘Speaker’s Curse’ — sa kasaysayan ng bansa, walang House Speaker na tumakbo bilang Pangulo ang nanalo.
“Romualdez will be running against history,” pahayag ni Teehankee. “In our political experience since the restoration of democracy, no Speaker has ever made it to Malacañang,”dagdag ni Teehankee sa panayam sa kanya ng ANC.
Tinukoy nito ang bigong presidential bid nina House Speaker Ramon Mitra noong 1992, Jose de Venecia noong 1998 at Manny Villar noong 2010 na pawang tumakbo sa kompletong political machinery at national prominence ngunit hindi nagtagumpay.
“Romualdez has been steadily building his national profile, however, the so-called ‘Speaker’s Curse’ casts a long shadow over his ambitions,” ani Teehankee.
Target ni Romualdez na masungkit muli ang House Speakership sa 20th Congress bilang paghahanda sa kanyang 2028 presidential bid ngunit tatlong mambabatas ang inilulutang na seryosong kandidato din sa posisyon, kabilang sina Cebu Rep. Duke Frasco, na kasama ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., sa kanyang official trip sa Osaka, Japan; Navotas Rep. Toby Tiangco, campaign manager ng political coalition na Alyansa Para sa Bagong Pilipinas (ABP), at Bacolod City Rep. Albee Benitez.
Bukod sa posibleng matanggal bilang House Speaker, nahaharap din sa trust issue si Romualdez, sa pinakahuling national survey, ang trust and popularity rating ni Romualdez ay nasa 39 percent, pinakamababang rating sa kasaysayan na nakuha ng isang “sitting” House Speaker.
Ang mababang popularity rating ni Romualdez ay bunsod ng kontrobersiya sa kanyang pet programs na Ayuda para sa Kapos ang Kita Program (AKAP) at Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS).
Una nang binatikos nina Baguio City Mayor Benjamin “Benjie” Magalong at Vice President Sara Duterte si Romualdez dahil sa paggamit sa AKAP at AICS funds para sa kanyang political advantage.
Ayon sa mga kritiko, ang ayuda programs na para sa mahihirap ay nagagamit bilang ‘vote-buying’ tools.
Sa datos ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) noong 2024 ay nasa limang milyon ang nabigyan ng ayuda ngunit nabunyag na hindi tunay na mahihirap ang beneficiaries nito dahil may dagdag sa listahan na mga political allies.
Itinanggi ni House Spokesperson Atty. Princess Abante na tatakbo sa 2028 election si Romualdez ngunit taliwas ito sa kilos ni Romualdez, ayon kay Vice President Sara Duterte na mismong mga kaalyado niya sa Kamara ang nagbunyag ng paghahanda ni Romualdez sa presidential race.
Ibinunyag din ni dating House Speaker Pantaleon Alvarez na ang pagsusulong ng Charter Change ni Romualdez ay nakaangkla sa ambisyon nito sa 2028 gayondin ang ginawa nitong pagbuo ng isang power bloc na Alyansa para sa Bagong Pilipinas na binubuo ng kanyang partido na Lakas-CMD at Partido Federal ng Pilipinas na political party ni Pangulong Marcos.
Sa mga lumalabas na maagang presidential survey, base sa 2025 WR Numero survey si Romualdez ay nakakuha ng 1.1% presidential preferences habang si Vice President Duterte ay 29% at si Senator Raffy Tulfo ay nasa 19%.