
HATAW News Team
SINAMAHAN ni Deputy Speaker at Cebu Rep. Duke Frasco si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa pagbisita sa Philippine Pavilion sa World Expo 2025 sa Osaka, Japan, kasabay nito, tiniyak niya ang buong suporta sa Pangulo.
Bukod sa pagdalo sa Expo, naging katuwang din ng Pangulo si Frasco kasama ang iba pang lider ng Malacañang sa pagdalo sa ilang business meeting na naglalayong palakasin ang diplomatic, cultural, at economic ties sa global partners.
Ang pagsama ni Frasco kay Pangulong Marcos ay patunay ng pagkakaroon ng dalawa ng malakas na “rapport”.
Isa si Frasco sa lumulutang na kandidato na may potensiyal at kalipikado para sa House Speakership.
Sinabi ni Frasco na buo ang suporta niya sa Marcos administration sa kabila ng nangyayaring ‘political division’ sa House of Representatives at rigodon sa gabinete.
“The role of the House is to advance national progress, not to deepen political divides. It must more clearly reflect the President’s call for unity, stability, and results. My commitment to the President’s vision remains firm, and I believe the House should be a proactive partner in delivering meaningful change for the Filipino people,” paliwanag ni Frasco.
Matatandaan na hindi lumagda si Frasco sa manifesto of support para sa ikalawang termino bilang House Speaker ni Leyte Rep. Martin Romualdez, ang hakbang na ito ay senyales ng pagbabago ng liderato sa Kamara.
Tiniyak ni Frasco ang pagsuporta sa priority programs ng administrasyon kasama na rito ang presensiya ng Filipinas sa World Expo 2025 sa Osaka, na pinangunahan ng maybahay ng kongresista na si Tourism Secretary Christina Garcia Frasco.
Ipinagmalaki ng kalihim na “crowd favorite” ang Philippine Pavilion na umabot na sa 300,000 ang bumisita sa loob lamang ng dalawang buwan.
Tampok sa Pavillion ng Filipinas sa nasabing expo ang display ng may 212 indigenous fabrics mula sa iba’t ibang probinsiya sa bansa, ang tema nito ay “Nature, Culture, and Community: Woven Together for a Better Future.”
“As the Philippines takes center stage in this global platform, it is an honor to join the President in promoting Filipino excellence and forging international partnerships that will benefit our country and local communities,” pahayag ni Rep. Frasco.
Ang World Expo 2025 ay matutunghayan mula 13 Abril hanggang 13 Oktubre 2025, nasa 150 bansa ang lumalahok dito.