ni ALMAR DANGUILAN
HINDI nakaligtas sa kamatayan ang Director ng House ways and means committee sa tama ng isang bala sa kanyang ulo makaraang pagbabarilin ng ‘riding in tandem’ habang ipinagdiriwang ang kaarawan ng anak na babae partikular sa kanilang pamilya, at Father’s Day sa buong bansa, sa Barangay Commonwealth, Quezon City nitong Linggo ng hapon.
Sa ulat ni P/ Lt. Col. Romil Avenido, hepe ng Quezon City Police District (QCPD) Batasan Police Station 6, nagawa pang maisugod ng mga kaanak sa FEU-NRMF Hospital ang 63-anyos biktima, kinilalang si Mauricio “Morrie” Pulhin ngunit idineklarang dead on arrival.
“Ito pong biktima ay empleyado ng Kamara. Ngayon po ay inaalam pa namin ang motibo nitong krimen ng pamamaslang. Agad naman tayong nakaresponde at naisugod pa natin ang biktima sa ospital pero dead on arrival na po,” ayon kay Avenido.
Sa imbestigasyon, dakong 2:30 ng hapon nitong Linggo, 15 Hunyo, nang mangyari ang krimen.
Abala ang lahat, kabilang ang biktima sa kaarawan ng anak nang pumasok sa lugar ng selebrasyon ang dalawang suspek sakay ng motorsiklo at malapitang pinagbabaril ang biktima saka mabilis na tumakas sakay.
Sa pagtakas ng mga suspek, pinaputukan nila ang security guard upang hindi sila harangan at makalabas ng subdibisyon.
Sinusuri ng PS-6 ang mga kuha sa CCTV camera sa lugar upang matukoy ang mga salarin.
“Well-planned ang krimen na ito. Talagang pinag-aralan nila nang maigi itong lugar kaya gumamit sila ng pekeng ID and iniwan po nila ito noong umeskapo na sila. Agad-agad po nating na-identify, na-locate, at na-put under police custody itong may-ari ng ID na naiwan doon sa guard house, only to find out na matagal na pa lang nawala ‘yung ID niya which is two years ago,” pahayag ni Avenido.
Sinabi rin niya na mayroon na silang person of interest at ang alitan sa negosyo ang tinitingnan nila motibo dahil ang biktima ay nasa negosyo ng medical supplies.
“Mayroon po tayong possible na na-identify na persons of interest, but right now ongoing pa po ang ating backtracking at imbestigasyon,” ani Avenido.
Nagpaabot ng pakikiramay ang pamunuan ng QCPD sa pamilya ng biktima at tinitiyak na mabibigyan ng hustisya ang pagpaslang sa padre de familia.
“We extend our deepest condolences to the victim’s family and assure the public that justice will be served,” ayon kay P/Col. Randy Glenn Silvio, Deputy District Director for Administration/Officer-In-Charge ng QCPD.
Iniutos ni Silvio ang pagbuo ng Special Investigation Team (SIT) para tutukan ang pagtukoy at pagdakip sa mga suspek.
“Anyone with relevant information is urged to report to the nearest police station or contact the PNP Hotline 911, QC Helpline 122, or +63 917 840 3925,” dagdag ng QCPD chief.