MALUPIT na kamatayan ang sinapit ng isang 36-anyos nurse na 6-buwan nang nagdadalantao nang mabundol ng isang multi-purpose vehicle (MPV) at maligis ng isang sedan sa Purok Proper North, Brgy. Taloc, lungsod ng Bago, lalawigan ng Negros Occidental, nitong Linggo ng gabi, 1 Hunyo.
Sa insidenteng ito, hindi pa maipaliwanag ng mga awtoridad kung paanong lumabas sa tiyan ng babaeng nurse ang kanyang dinadalang sanggol na sa kasawiang palad ay namatay din.
Kinilala ni P/Lt. Col. Ariel Pico, Office-In-Charge ng Bago CPS, ang biktimang si alyas Maria, residente sa Brgy. Taloc, sa nabanggit na lungsod.
Ani Pico, tumatawid si Maria sa kalsada nang mabunggo ng isang Multi-Purpose Vehicle (MPV) saka tumilapon sa kabilang lane kung saan siya nasagasaan ng isang kotseng sedan.
Binawian din ng buhay ang sanggol na pinaniniwalang lumabas sa kanyang sinapupunan.
Kumalat sa social media ang larawan ng insidente kung saan nakita ang biktima at kaniyang sanggol na nakahandusay sa kalsada.
Nabatid na patungo sa kaniyang trabaho ang biktima sa rural health unit ng Valladolid, Negros Occidental nang maganap ang insidente dakong 9:15 ng gabi.
Idineklarang dead on arrival sa pagamutan ang biktima at kaniyang anak.
Dagdag ni Pico, hindi nila maipaliwanag kung paanong lumabas sa kaniyang sinapupunan ang sanggol at hinihintay nila ang opisyal na resulta ng pagsusuri ng mga doktor.
Ayon sa ulat, hindi napansin ng driver ng MPV na kinilalang si alyas Philip, 30 anyos, ang biktima na tumatawid ng kalsada.
Ani Pico, maaaring hindi agad nakita ni alyas Philip ang biktima dahil naka-tint ang kaniyang kotse habang nakasunod sa isang motorsiklo.
Samantala, sinubukan umanong iwasan ng driver ng sedan na kinilalang si alyas Robin ang biktima ngunit huli na ang lahat.
Nakatakdang sampahan ng mga kasong reckless imprudence resulting in multiple homicide ang mga driver na kasalukuyang nasa ilalim ng kustodiya ng pulisya.