ARESTADO ang pangatlo sa limang suspek sa pagdukot at pagpatay sa mag-ina sa Quezon City noong nakalipas na taon, pahayag ng National Bureau of Investigation (NBI).
Iniharap sa pulong-balitaan na pinangunahan ni NBI Director Jaime Bagtas Santiago ang suspek na isang absent without leave (AWOL) jail officer ng Bureau of Corrections (BuCor), ang siyang lumalabas na nakipagsabwatan sa mga kasamahang suspek na pawang ex-convict.
Ayon kay NBI agent-on-case Atty. Ariel Calub, mga bagong laya ang kasama ng BuCor officer na nagpo-provide ng mga tirahan.
Kabilang ang jail officer sa limang suspek na nangholdap sa mag-ina dakong 2:45 ng madaling araw noong 10 Hunyo 2024 sa Quezon City.
Sinabi ni Calub na natunugan ng anak ang gagawin ng mga suspek kaya nagmaniobra ito dahilan upang barilin siya at mapatay habang ang ina ay tinangay.
Humingi ng tulong sa NBI ang mga kaanak nang mag-demand ng P5-milyon ang mga suspek para palayain ngunit natagpuang walang buhay ang ginang na inabandona sa Bay, Laguna.
Ani Santiago, kumilos ang NBI Homicide Division nang maglabas na ng warrant of arrest ang Quezon City court at natunton sa Nueva Ecija ang suspek.
Una nang nadakip ang dalawang suspek na jail officer rin at isang dating person deprived of liberty (PDL).