ANG FOOTBALL field ng Rizal Memorial Sports Complex ay opisyal nang kinilalang FIFA Quality Pro ng International Federation of Association Football (FIFA) — ang pinakamataas na kalidad sa ilalim ng FIFA Quality Programme para sa mga artificial turf na ginagamit sa mga propesyonal at pandaigdigang torneo.
Ang anunsyo ay sabayang ginawa ng Philippine Sports Commission (PSC) at E-Sports International sa isang sesyon ng Philippine Sportswriters Association Forum sa Rizal Memorial Sports Complex (RMSC). Ayon kay E-Sports Managing Director Audris Romualdez, malaking karangalan ang pagkilalang ito at pasasalamat ang kanilang hatid sa PSC sa pagtitiwala.
Sinabi naman ni PSC Chairman Richard Bachmann na layunin ng ahensya na muling buhayin ang football field, at pinasalamatan ang E-Sports sa pagbibigay ng de-kalidad na pasilidad na magagamit ng lahat.
Natapos ang pagsasaayos ng field sa loob ng isang buwan, sinubukan noong Abril 11, at pormal na na-certify noong Mayo 2. Ang FIFA Quality Pro certification ay may bisa ng isang taon, at sasagutin ng E-Sports ang libreng maintenance sa panahong ito, kabilang ang pagsasanay at kagamitan para sa PSC.
Dagdag pa ni E-Sports General Manager Pam Romualdez, lumalawak pa ang kanilang proyekto sa iba’t ibang sports facilities sa bansa gaya ng New Clark City, at kasalukuyang ginagawa ang kauna-unahang skate park sa Pilipinas.
Samantala, ang Lanao del Norte, sa pamumuno ni Congresswoman Imelda Dimaporo, ang isa sa mga LGU na kumontrata sa E-Sports para sa pagsasaayos ng Mindanao Civic Center. (HNT)