SA KABILA ng mga hudyat ng pagle-labor, nagawang bumoto muna ng isang buntis sa lalawigan ng Pangasinan nitong Lunes, 12 Mayo.
Ayon kay Jobert Ticman, kasama sa election monitor team, nagawa pang ngumiti ng buntis kahit matindi na ang nararamdamang sakit ng tiyan.
Aniya, matiyagang naghintay ang botante upang gampanan ang kaniyang karapatan at obligasyon bilang Filipino bago magtungo sa paanakan.
Samantala, binawian ng buhay ang isang senior citizen matapos bumoto sa Brgy. Gayaman, sa bayan ng Binmaley.
Ayon sa ulat, maagang dumating ang biktima upang bumoto ngunit nakaranas ng hirap sa paghinga habang nakapila dahil sa matinding init.
Naitala sa Pangasinan ang mapanganib na heat index na 42 degrees Celsius kahapon.
Matapos bumoto, nahilo, natumba, at nawalan ng malay ang biktima.
Idineklara ng mga medic na binawian siya ng buhay dakong 7:00 ng umaga, ayon sa Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV).