TINABLA ng Commission on Elections (Comelec) en Banc ang proklamasyon ni Marcelino “Marcy” Teodoro bilang kinatawan ng unang distrito ng Marikina kahit nanguna sa halalan nitong Mayo 2025.
Sa inilabas na atas (SPA No. 24-224 [DC]), iniutos ng Comelec En Banc ang suspensiyon ng proklamasyon ni Teodoro dahil sa kinakaharap na kasong deskalipikasyon na hindi pa resolbado.
Batay sa Section 11 ng Comelec Rules of Procedure, maaaring ipatigil ang proklamasyon ng isang kandidato kung may malakas na ebidensiya ng deskalipikasyon o kanselasyon ng kandidatura.
“Pending the Resolution of the Commission En Banc on the Consolidated Motion for Reconsideration, the Commission hereby orders the suspension of Respondent’s proclamation…” ayon sa kautusan.
Ang desisyon ay pinirmahan nina Commissioner Socorro B. Inting, Presiding Officer Commissioner Aimee P. Ferolino, Commissioners Rey E. Bulay, Nelson J. Celis, Ernesto F. Maceda Jr., Julio O. Castros Jr.
Hindi lumahok sa deliberasyon si Chairman George Erwin M. Garcia, kaya’t may pabatid na “NO PART” sa dokumento.
Sa parehong order, inatasan ang Election Officer ng Marikina First District na agad ihatid kay Teodoro at sa City Board of Canvassers ang kautusan.
“IN VIEW OF THE FOREGOING, the Commission (En Banc) hereby ORDERS the SUSPENSION OF PROCLAMATION of Respondent MARCELINO “MARCY” TEODORO… until further orders,” saad sa utos.