NANAWAGAN ang mga residente sa Commission on Elections (Comelec) na silipin ang paggamit sa isang team ng Land Transportation Office (LTO) mula sa central office at isang team ng PNP-Highway Patrol Group (HPG) mula sa regional office para makialam sa politika sa Bondoc Peninsula sa lalawigan ng Quezon.
Ayon sa mga residente, pangunahing target ng operasyon ang dalawang ahensiya ng bayan ng San Narciso, Quezon.
Ilang beses aniyang nangyari ang ganito tuwing eleksiyon sa ilalim ng pamumuno ni San Narciso Mayor Pobelle Yap at ng kanyang mister na si Allan Yap na kandidato ngayon sa pagka-mayor ng naturang bayan.
Isa umano sa mga hinuli ng PNP-HPG ay si Lilet Decena na kandidatong konsehal sa ticket ni mayoralty candidate Vicvic Reyes, katunggali ni Allan Yap.
Kinompirma ito ni Vicvic Reyes at sinabing ginagamit ni Allan Yap ang kanyang impluwensiya sa ilang national government agencies tulad ng LTO na nasa ilalim ng Department of Transportation (DOTr) na ngayon ay pinamumunuan ng kanyang barkada na si Secretary Vince Dizon.
Samantala, kinilala ang mga personnel ng LTO- Main Office na sina Manuel Calima, Macario Pongyan, Jr., John Louie Manaligod, Romand Perez, Alvin Domingo, Romnic Aranilla, Eraño Oliver, Jr., at Rafael Louise Cuevas.
Ayon kay Reyes, ang deployment ng nasabing mga awtoridad ay isang malinaw na pangha-harass dahil nangyayari ang ganito sa panahon ng halalan.
Ang nasabing hakbang ay taliwas aniya sa panawagan ng Comelec para sa isang payapa, tapat at malinis na halalan sa bansa. (HATAW News Team)