KASALUKUYANG iniimbestigan ng Commission on Audit (COA) at ng Office of the Ombudsman ang reklamo ng isang concerned citizen laban kay Congressman Franz Pumaren kaugnay sa hindi natapos na apat na infrastructure projects sa District 3, Quezon City.
Ayon sa naturang reklamo, inilagay ang mga poste para sa pagtatayo ng isang multi-purpose building sa Barangay Pansol, isang proyekto sa ilalim ng administrasyon ni Pumaren. Ngunit, hindi ito natapos at kasalukuyang binabaklas ang mga nakatayong poste ng mga tauhan ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Inaakusahan si Pumaren at ang mga contractor mula sa Aylan Construction & Trading at CG General Construction & Development Corporation ng paglabag sa mga sumusunod na batas: Anti-Graft and Corrupt Practices Act, Government Procurement Reform Act, Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees, Revised Penal Code (Articles 220, 217, at 171), National Building Code of the Philippines, at Civil Code (Article 21723).
Bilang tugon sa mga paratang, naglabas ng pahayag si Pumaren noong 10 Abril 2025 sa isang Facebook post.
Aniya, ang lahat ng pondong nakalaan para sa proyekto ay naibalik sa Bureau of Treasury. Dito, nagpakita siya ng mga patunay upang suportahan ang kanyang pahayag.
Sa kanyang mga naunang pananalita, sinabi niyang ang proyekto ay nagsimula sa ilalim ng administrasyon ni Congressman Allan Reyes. Ngunit, ayon sa mga dokumento, naaprobahan ang kontrata para rito noong 10 Nobyembre 2022 — panahong si Pumaren na ang nakaupo sa puwesto.
Malinaw na pag-aaksaya ng pera ng bayan ang nangyari sa mga hindi natapos na proyekto ni Pumaren. Kulang sa tamang pagpaplano, komunikasyon, at maayos na pamamahala ng pondo ng distrito. Karamihan sa mga proyektong ito ay hindi tapos, inabandona, o walang pangangailangan.
Bukod sa reklamong isinampa, marami pang proyekto si Congressman Franz Pumaren na hindi tapos at walang follow-up.
Ilan rito ang mga sumusunod:
● Multi-purpose building with site development sa Barangay Ugong Norte na nagkakahalaga ng P39 milyon;
● Multi-purpose building sa Belarmino High School na nagkakahalaga ng P24 milyon. Idineklara itong tapos na, ngunit ito ay inabandona na isang konkretong poste lamang ang nakatayo;
● Multi-purpose building sa Brgy. White Plains na naideklarang tapos, ngunit kasalukuyan pa ring itinatayo na nagkakahalaga ng P47 milyon.
Sa harap ng mga isyung ito, dapat managot ang mga opisyal na nagpabaya at umabuso sa kanilang tungkulin at kapangyarihan. Ang bawat sentimo sa kaban ng bayan ay dapat na ginagamit sa kapakanan ng mamamayan at hindi sa pansariling interes ng nakaupong lider. Mahalagang maging mapagmasid at mapanuri ang taongbayan. (HNT)