LANTARANG ipinagyabang ni Makati Mayor Abby Binay ang ‘limpak-limpak’ na campaign funds ni incumbent Rep. Pammy Zamora sa ginanap na campaign sorties nito sa CEMBO, Taguig City na tila ipinang-aakit ng boto para sa kanilang kandidatura.
Sa ginanap na campaign rally sa CEMBO, Taguig City, sinabi ni Mayor Abby na kaya may lakas nang loob siyang humarap sa taga-Taguig, dahil mayroon siyang endoso na maging kasama at kasangga upang magkaroon siya ng counterpart sa Kongreso sakaling mahalal sa Senado.
Sinabi ng kasalukuyang alkalde ng Makati na kanyang kinakapatid si Zamora kaya nararapat lamang na kapag dumaraan ang kanilang kalaban sa lugar, isigaw ang “Pammy, Abby”.
Sinabi ni Binay, magsasalita si Cong. Pammy saka ipakikita niya sa lahat ng residente ng CEMBO ang “limpak-limpak na pera” na tila hinihimok umano ang botante na kapwa sila iboto sa halalan.
“Mamaya po magsasalita si Cong. Pammy, papakitaan niya kayo ng limpak-limpak na pera dahil marami siyang pondo. Yari ka na Pammy,” ayon kay Mayor Binay.
Isang politiko si Zamora na tumatakbo para sa reelection bilang kinatawan ng unang legislative district ng Taguig.
Kamakailan, binalaan ng Commission on Elections (Comelec) ang lahat ng kandidato na tuparin ang batas laban sa vote buying at vote selling alinsunod sa itinakda ng Resolution No. 11104 partikular ang Seksiyon 26 nito na nagsasasabing: “Vote-buying is the act of giving, offering, or promising anyone of: money or anything of value any office or employment franchise or grant, public or private to make an expenditure, directly or indirectly cause an expenditure to be made to any person, association, corporation, entity, or community in order to induce anyone or the public in general.”
Nakasaad din sa resolusyon ng Komisyon na mahigpit na ipinagbabawal ang pagbibigay ng ayuda kapalit ng boto ng kahit sinong kandidato o binanggit ang pangalan ng kandidato sa oras ng pangangampanya.
“Giving, distributing, and receiving any assistance or ‘ayuda’, in which the names of the candidates are mentioned, or those conducted in a place where the name or picture of the candidate is visible or displayed, whether given by the candidate or his or her relative within the second degree of affinity or consanguinity, or their known supporters or employees,” saad sa resolusyon.
“Giving, distributing and receiving any assistance or ‘ayuda’ other than those which are normally given to qualified individuals such as but not limited to basic needs and assistances, during the campaign period, whether given by the candidate or his or her relative within the second degree of affinity or consanguinity, or their known supporters or employees,” ayon sa Comelec.