
HATAW News Team
IBINASURA ng Regional Trial Court Branch 121 ng Caloocan City ang inihain na kasong rape laban kay Pandi, Bulacan Mayor Enrico Roque at sa dalawa niyang kasama matapos mapatunayang walang basehan at walang katotohanan ang mga bintang laban sa alkalde.
Sa inilabas na desisyon ni Judge Rowena Violago Alejandria ng RTC Branch 121 noong 25 Pebrero 2025, inilahad na ang pangalan ng nag-akusa laban sa alkalde – isang Mikaela Buico Mariano – ay hindi umano tunay na pangalan at pati ang address ng tirahan ay inimbento lamang.
Ayon sa korte, pati ang medico-legal na isinumite nito ay natuklasan at napatunayang hindi totoo, gayon din ang blotter dahil wala ito sa mga dokumento ng Women and Children Protection Desk ng Caloocan City Police Station.
Sinabi ng kampo ni Roque na ang kasong kriminal na inihain laban sa alkalde ay isang direktang paninira sa kanyang pagkatao at public image.
Anila, ang kasong ito ay nagbigay ng kahihiyan kay Roque hindi lamang kaugnay sa politika kundi isang pagnanakaw sa kanyang mga karapatan bilang tao dahil sa walang katotohanan at inimbentong akusasyon laban sa kanya.