HATAW News Team
APAT na dayuhan ang kompirmadong nasawi sa insidente ng pagbagsak ng isang aircraft sa bayan ng Ampatuan, lalawigan ng Maguindano del Sur, nitong Huwebes ng hapon, 6 Pebrero.
Sa ulat ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) at Ampatuan MDRRMO, naganap ang insidente sa Brgy. Malatimon, sa nabanggit na bayan dakong 2:00 pm kahapon.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad kaugnay sa insidente kung saan nabatid na pawang mga dayuhan ang sakay ng aircraft na may body number N349CA.
Hanggang ngayon ay hindi pa kilala ang mga biktima sa nasabing insidente, bagamat sinabi ng mga awtoridad na sila ay pawang mga dayuhan.
Una rito, kinompirma ng U.S. Embassy, na isang American military-contracted aircraft ang sangkot sa insidente.
Ayon kay Regional police spokesman Jopy Ventura, tumama sa kalabaw ang eroplano nang pagbagsak ito, na nagdulot ng maraming sugat sa hayop.
Ayon sa isang rescuer na si Rhea Martin, nakita nila ang patay na apat katao sa crash site, na agad na kinordon ng mga awtoridad.
Aniya, nakita ang mga katawan ng tao malapit sa eroplano, at aniya nahati sa dalawa ang nasabing sasakyang panghimpapawid.
Ito ang pangalawang aircraft accident sa bansa ngayong buwan.
Noong Sabado, isang helicopter ang bumagsak sa Guimba, Nueva Ecija, na ikinasawi ng babaeng piloto, na tanging siya ang sakay.