ISANG black propaganda ang ulat na nagbitiw sa puwesto si Executive Secretary Vic Rodriguez.
Ito ay matapos personal na pabulaanan ni Rodriguez ang ulat na kumalas na siya sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr.
Ayon kay Rodriguez, mananatili siyang tapat sa Pangulo.
Hindi aniya siya kakalas sa administrasyon maliban kung hihilingin mismo ng Pangulo.
Iginiit ni Rodriguez, fake news ang naturang balita.
Nabatid na isang Noelle Prudente ang naging tulay ng ilang negosyante kay Pangulong Marcos noong nakaraang eleksiyon ang nasa likod ng paninira ngayon kay Rodriguez.
Sinasabing si Prudente ang nagsisilbing power broker ngayon sa Malacañang.
Ilan umano sa mga idinidiga ni Prudente ang mga posisyon sa Bureau of Customs (BOC), Bureau of Internal Revenue (BIR) at Land Transportation Office (LTO).
Matatandaan, noong 2018 ay sinibak sa puwesto sa Bureau of Customs (BOC) ni Pangulong Rodrigo Duterte ang isang Noel Prudente, hindi naman batid kung iisang tao ito o magkapangalan lamang.