HINDI nakaligtas sa bigat ng bumulusok na elevator ang dalawang installer na binawian ng buhay, habang dalawa ang sugatan sa Makati City, kaninang madaling araw.
Kinilala ang mga biktimang namatay na sina Manuel Linayao at Rey Miguel Gilera, kapwa elevator installer at empleyado ng DLC Contractor.
Bukod sa dalawang namatay, sinabing may dalawa pang sugatan.
Sa ulat ng pulisya, nabatid dakong 3:20 am kaninang madaling araw, nakatanggap ng tawag sa telepono ang duty desk officer ng Brgy. Pio del Pilar hinggil sa isang insidente sa Burgundy Tower.
Agad pinaresponde ang MC 93 sakay sina P/SSgt. Matabang at P/Cpl. Soriano upang beripikahin ang nasabing ulat.
Pagdating sa lugar, agad silang sinalubong ni duty OIC Security Radimar Abubakar.
Ayon kay Abubakar, ang nabanggit na dalawang biktima at ang dalawa pang installer mula sa DLC Contractor Company ay nag-aayos ng elevator sa ika-anim na palapag ng Burgundy Tower sa Buendia Ave., Brgy. Pio del Pilar.
Ngunit bigla na lamang bumulusok ang elevator mula ika-38 palapag hanggang basement na ikinamatay ng dalawang installer at ikinasugat ng dalawa pa.
Inatasan ng Makati police sina P/SSgt. Baligod at P/SSgt. Quirante mula sa SIDMS para sa masusing imbestigasyon. (Ulat at retrato ni JAYSON DREW)
