NASAKOTE ang apat na lalaking nagbebenta ng pekeng gold bars sa ikinasang entrapment operation sa Capistrano Complex, Brgy. Gusa, lungsod ng Cagayan de Oro, nitong Sabado, 4 Hunyo.
Kinilala ng Cagayan de Oro CPS ang mga suspek na sina Rey Naranjo, 58 anyos; Junalie Licawan, 58 anyos; Jerson Liquinan, 28 anyos; at Jimwel Homonlay, 33 anyos.
Nabatid na mayroong isang Mitchel Naranja mula sa Opol, Misamis Oriental ang nagreklamo sa tanggapan ng City Mobile Force Company (CMFC) ng Cagayan de Oro matapos siyang malokong bumili ng P500,000 halaga ng gold bar na sinabing peke base sa eksaminasyon.
Lumabas sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, nakipag-ugnayan kay Naranja ang mga suspek para muli siyang bentahan ng P1,800,000 halaga ng ginto.
Nagpanggap ang biktimang papatusin ang transaksiyon saka humingi ng tulong sa mga awtoridad na agad nagkasa ng entrapment operation.
Napag-alaman ng mga imbestigador na ang mga suspek ay pawang mga miyembro ng Ganghaan Landless Association (GALA) na nagbebenta ng mga gold bar, partikular sa naturang lungsod at mga lalawigan ng Misamis Oriental at Bukidnon.
Lumabas din sa pagsisiyasat na ang nabanggit na asosasyon ay may mga contact sa mga supplier ng gold bars sa bayan ng Kitaotao at lungsod ng Malaybalay, Bukidnon.
Ayon sa pulisya, mayroon pang limang suspek na hindi pa naaaresto.
Narekober ng mga awtoridad ang dalawang pirasong gold bars na nagkakahalaga ng tinatayang P15,000,000.
Kasalukuyang nakakulong ang mga suspek sa custodial facility ng CMFC habang inihahanda ang mga dokumento para sa mga kasong isasampa sa hukuman laban sa kanila.