P17.5-M shabu nasakote sa big time tulak at mag-ina
UMABOT sa tinatayang P17.5 milyong halaga ng hinihinalang shabu ang nakompiska sa itinurong tatlong big time tulak, na kinabibilangan ng isang 59-anyos ina at anak niyang online seller sa isinagawang buy bust operation ng pulisya sa Caloocan City, kamakalawa ng hapon.
Kinilala ni Caloocan city chief of police (COP) Col. Samuel Mina, Jr., ang mga suspek na sina Josephine Rada, 59 anyos; anak na si Mae Jane, 23 anyos, online seller; at Bon Joni Visda, 25, pawang residente sa B53 L3 Phase 12, Brgy. 188, Tala ng nasabing siyudad.
Batay sa ulat ni Col. Mina kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Nelson Bondoc, nakatanggap ng impormasyon ang mga operatiba ng Caloocan Police Drug Enforcement Unit (DEU) mula sa isang regular confidential informant (RCI) hinggil sa umano’y illegal activities ng mga suspek kaya’t isinailalim sa isang linggong ‘validation.’
Nang makompirma na tama ang ulat, ikinasa ng mga operatiba ng DEU sa pangunguna ni P/Maj. Deo Cabildo, kasama ang PDEA Northern District Office, 6th MFC RMFB-NCRPO, at Tala Police Sub-Station sa ilalim ng pangangasiwa ni Col. Mina ang buy bust operation sa bahay ng mga suspek dakong 5:10 pm.
Kaagad inaresto ng mga operatiba ang mga suspek matapos bentahan ng P75,000 halaga ng droga si P/Cpl. Albert Alan Badua, nagpanggap na buyer.
Nakompiska sa mga suspek ang nasa dalawang kilo at 575 gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang nasa P17,510,000 at buy bust money na binubuo ng isang tunay na P1,000 at 74 pirasong P1,000 boodle money.
Kaugnay nito, pinuri ni NCRPO RD P/MGen. Vicente Danao, Jr., ang Caloocan police sa pamumuno ni Col. Mina sa matagumpay na drug operation habang nahaharap ang mga suspek sa kasong Comprehensive Dangerous Drug Acts of 2002. (ROMMEL SALES)