PLANO ni Senador Richard Gordon na imbitahan si dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III para dumalo sa susunod na pagdinig ng Blue Ribbon Committee tungkol sa kontrobersiyal na P3.5-bilyong dengue vaccine program na inaprobahan ng kaniyang administrasyon.
Sinabi ni Gordon, tagapangulo ng komite, kakausapin niya ang mga miyembro ng lupon kung kailangang ipatawag sa pagdinig ang dating pangulo.
“I’ll talk to the others and see whether we should pero if I were him, I’d go para mas maganda sa kanya na mapaliwanag ko ‘yung side ko,” paliwanag ni Gordon tungkol sa planong pagpapatawag sa dating pangulo.
Ayon kay Gordon, lumitaw sa pagdinig nitong Lunes na tila minadali ang pagkuha ng mga gamot ng nakaraang administrasyon at nagpalabas pa umano ng executive order (EO) si Aquino.
“Lumalabas talaga na minadali at mayroon silang EO (executive order) galing sa Presidente, humanap sila ng pera, ipinasok ‘yung pera do’n,” puna ng senador.
At dahil wala sa 2016 Philippine budget ang pagbili ng gamot, kumuha umano ng pondo para sa Dengvaxia sa ilalim ng “miscellaneous personnel fund.”
Nakatakda ang susunod na pagdinig ng Senado sa Dengvaxia sa Huwebes, 14 Disyembre.