KAMPANYA laban sa droga ang kuwento ng pelikulang Kamandag Ng Droga na idinirehe ni Carlo J, Caparas produced ng Viva Films.
Tinanong namin ang taga-Viva kung may tulong pinansiyal ang Duterte administration sa Kamandag sa Droga dahil pro-Duterte ito na nangangampanyang iwasan ang droga dahil walang maidudulot na mabuti sa tao.
“Hindi po, Viva po ito,” kaswal na sabi sa amin.
Marahil ang maitutulong na lang ng taga-gobyerno ay suportahan o i-endoso ang Kamandag sa Droga sa lahat na maging eye-opener ito sa mga manonood.
Malalaking artista ang kasama sa pelikula tulad nina Christopher de Leon, Mark Neumann, AJ Muhlach, Sarah Lahbati, Nino Muhlach, Assunta de Rossi, Ronnie Lazaro, Perla Bautista, Meg Imperial, CJ Caparas, Rap Fernandez, Ryan Eigenmann, Bret Jackson at marami pang iba na may cameo role pa sina Senator Koko Pimentel at Asec Mocha Uson.
Ibinase ang kuwento ng Kamandag sa Droga sa nangyaring Close-Up concert na ginanap sa SM MOA grounds noong nakaraang taon na maraming kabataan ang namatay dahil sa tabletang ininom na isinama sa bottled water nila.
Struggling concert artist si Sarah at gusto niyang sumikat nang husto kaya lahat gagawin niya at habang nagso-show siya ay laking gulat na lang niya noong humandusay sa harapan niya ang mga manonood.
Dinamdam ito ni Sarah hanggang sa nawalan na siya ng gana at dito siya hinimok ng kaibigang si Meg na uminom ng pills para mawala ang depression at muling bumalik ang sigla ng dalaga.
Pero ikinataka naman ng mga taong nakapaligid sa kanya na nagiging mainitin ang ulo niya kaya biniro siyang baka nagdodroga siya ng kapatid na ikinagalit niya nang husto.
Dahil hindi na nakuntento sa pills lang at gustong maging high na high ang energy nito sa show kaya nagpapaturok na at sa huling turok niya na mataas ang dosage kaya siya namatay.
Kaya pala sobrang higpit naman ni Christopher sa anak nitong si Mark ay dahil baka malulong sa droga bagay na ayaw niyang mangyari dahil nga siya mismo ay hindi pa rin nakaiiwas bilang lulong sa shabu.
Matagal na pala itong gawain ni Christopher at nabuking lang siya ng asawang si Lorna na naging dahilan ng pag-aaway nila at paghihiwalay.
Bagay na hindi nakaligtas kay Mark kaya para matahimik at naghahanap ng pagmamahal sa ama na lagi siyang kinagagalitan ay naghanap siya ng makakapitan at si Meg ang sagot dahil siya ang nagbebenta ng droga.
Nahinto na sa pag-aaral si Mark dahil hindi na makapag-concentrate at ibinenta na rin nito ang mga gamit para may pambili ng droga na sa bandang huli ay naging mitsa ng buhay niya.
In between ay ipinakikita ang kampanya laban sa droga ni Presidente Rodrigo Dueterte na walang idudulot na mabuti ito sa tao kaya itinayo niya ang citizen’s arrest na maski sino ay puwedeng manghuli ng taong naka-drugs.
Drug lord naman ang karakter ni Nino bilang isang Chinese na nagpakamatay ang anak dahil sa kahihiyan ng pamilya nila.
May shabu laboratory naman si Ronnie at katuwang niya ang pamangking si Meg sa pagtitimpla nito bilang isang Chemist student na huminto na rin sa pag-aaral dahil mas gusto na lang magtrabaho dahil sa malaking kinikita nito.
Kapatid naman ni CJ si Ryan na lulong din sa droga kasama ang mga kaibigan nitong nagsu-supply sa mga kulungan kaya ipinahuli ng una ang kuya niya dahil hindi nito gustong may mangyari sa kanila.
Kaya mahirap mawala ang droga sa Pilipinas dahil sabit din ang malalaking tao sa gobyerno at kaya pati sa kulungan laganap ang droga dahil na rin sa sabwatan ng mga bantay at warden.
Lumalabas na si CJ Caparas ang bida sa Kamandag ng Droga dahil siya lang ang matino at hindi nalulong sa bawal na gamot at nagsilbing good example pa sa mga kabataan.
Habang pinanonood namin ang pelikula ay naalala namin si rating Senador Jinggoy Estrada dahil kahawig niya si CJ Caparas.
SUMPANG TINTA,
LUMABAS NA
KAY DANIEL
SA umereng kuwento ng La Luna Sangre nitong Martes ay lumabas na ang pagiging Lobo ni Malia (Kathryn Bernardo) at nakasagupa na si Sandrino/Supremo (Richard Gutierrez).
Nagawang iligtas ni Malia si Tristan (Daniel Padilla) sa pagkakakulong nito sa ataul at dito na lumabas ang sumpang tintang katulad ng kay Sandrino bagay na ikinataka ng huli kung ano ang pagkatao ng binata.
Kanya-kanyang hula naman ang sumusubaybay ng La Luna Sangre na posibleng anak ni Sandrino si Tristan dahil kinakantahan nito ng lullaby noong ipinagbubuntis palang siya ng kanyang ina na kinagat ng bampira kaya posibleng bampira rin ang dinadala nito.
Pero may nagsabing baka kapatid naman ni Sandrino si Tristan kaya abangan ang unlock episode ng LLS sa mga susunod na araw.
Kaya nalito siya kung ano niya ang lalaking iniligtas ng bagong Itinakda?
Ito rin ang tanong ng televiewers ng La Luna Sangre kung ano ni Sandrino (Richard) si Tristan (Daniel), anak o kapatid?
AKTING
NI BEAUTY,
PINURI
HINDI na talaga paaawat sina Beauty Gonzalez at Bianca King bilang sina Tessa at Marga sa gulong sabit si Caloy (Joem Bascon) sa tumatakbong kuwento ng seryeng Pusong Ligaw.
Gustong bumalik ni Caloy kay Tessa/Teri at ng malaman ito ng asawang si Marga ay nangakong guguluhin niya sila.
Naaliw ang lahat sa sinabi ni Marga kay Tessa sa burol ng ina ng huli, “Pumunta ko rito dahil akala ko malungkot ka. ‘Yun pala wala pang 40 days, lumalandi ka na!”
Samantala, pinuri ng mga manonood ng Pusong Ligaw ang akting ni Beauty sa nasabing eksena na hindi na rin nakapagpigil sa panggugulo ni Marga sa buhay niya.
At base sa episode nitong Lunes ng PL ay pinadukot na ni Jaime (Raymond Bagatsing) si Caloy (Joem) at pinabugbog dahil na rin sa atraso nito bilang asawa na ni Tessa/Teri (Beauty).
Para naman sa millennials, hindi naman nawawala ang asaran sa love triangle nina Diego Loyzaga (Potpot/Ira), Sofia Andres (Vida), at Enzo Pineda (Rafa)?
Kailangan nang mamili ni Vida kung sino kina Rafa at Potpot ang talagang mahal niya. At siguradong mahihirapan siya sa kanyang pagpili.
Ano naman ang kahihinatnan ni Leon (Albie Casino) pagkatapos niyang magpagamit kay Jaime?
Kaya huwag bibitaw sa Pusong Ligaw pagkatapos ng It’s Showtime.
FACT SHET
ni Reggee Bonoan