MRT tren biglang huminto, pasahero nagtumbahan
hataw tabloid
February 18, 2015
News
BIGLANG huminto ang tren ng MRT dahilan para magtumbahan ang mga pasahero nito kahapon ng umaga.
Ayon sa pasahero ng MRT na si Mildred Anyayahan, “smooth” pa ang biyahe nang sumakay siya mula sa MRT-Quezon Avenue Station southbound.
“Kaya lang pagdating sa pagitan ng Cubao saka Santolan (stations), bigla na lang pong nag-sudden stop ‘yung train tapos halos lahat po (ng pasahero) nu’ng nasa gitna nagtauban na po,” pagbabahagi ni Anyayahan.
Mabuti na lamang aniya, nakakapit siya ngunit halos pinasan niya ang bigat ng mga pasaherong nasa likod.
Humingi aniya ng dispensa ang operator ng tren pero “nu’ng ina-unload na kami sa (platform ng) Santolan (station) walang nag-approach sa ‘min na kahit sino po na nagkamusta kung ano ba ang kalagayan namin.”
Sa kanyang nakita, ilan sa mga kapwa niyang pasahero ang may inindang pananakit ng katawan ngunit mas pinili na lamang na tumuloy sa destinasyon at nag-abang sa susunod na tren.
Hinala ni Anyayahan, “parang alam na rin po nu’ng operator na may sira pero tinuloy pa rin po.”
Kinompirma ni MRT GM Roman Buenafe ang insidente.
Bukod sa aberya sa pagitan ng Santolan at Cubao stations, huminto rin ang biyahe ng MRT northbound sa bahagi ng Magallanes.
Paliwanag ni Buenafe, gumana ang automatic protection system ng MRT na isang safety feature nito oras na may nakaambang peligro sa biyahe.
Ngunit kung ano ang dahilan ng paggana ng safety feature, hindi pa ito sa ngayon malinaw at siyang aalamin sa imbestigasyon ng MRT.
Dakong 11:30 a.m. nang magbalik-normal ang operasyon ng mga tren ng MRT.
Jaja Garcia