HINAMON ni DoJ Usec. Franscisco Baraan III si Atty. Nena Santos, abogado ng mga biktima ng Maguindanao massacre, na ilabas ang sinasabing listahan ng sinuhulang public prosecutors para maabswelto ang mga Ampatuan sa nasabing kaso. (BONG SON)
IPINASYA ni Justice Sec. Leila de Lima na manatili ang mga miyembro ng kasalukuyang prosecution panel sa Maguindanao massacre case sa kabila ng isyu ng suhulan.
Ibinasura ni De Lima ang mga kahilingan na mapalitan si Usec. Francisco Baraan III bilang supervisor ng DoJ panel.
Para sa kalihim, huwag sana siyang papiliin sa pagitan ng public at private prosecutors dahil mas nanaisin pa rin niya ang lupon ng DoJ.
Maging ang National Prosecution Service ay ipinagtanggol si Baraan.
Sa panig ni Baraan, sinabi niyang malaking kalokohan ang mga alegasyon ni Lakmodin Saliao.
“The allegations are getting wilder by the day. The madness are getting worst by the day,” wika ni Baraan.
Makaraan ikanta ang bribery deal
MASSACRE WITNESS AALISIN SA WPP
PINAG-AARALAN ng Witness Protection Program (WPP) na alisin sa kanilang pangangalaga si Lakmodin Saliao, state witness sa Maguindanao massacre case.
Ito ang sinabi ni Justice Undersecretary Francisco Baraan III, makaraan magpaunlak ng panayam si Saliao nang walang permiso mula sa WPP.
Matatandaan, sa panayam sa isang himpilan ng radyo, sinabi ni Saliao na nabayaran ng P50 milyon ang panel of public prosecutors para ikompromiso ang paglilitis sa kaso ng Maguindanao Massacre.
Tiwala si Baraan na hindi maaapektuhan ang kaso dahil nakapaglahad na ng kanyang testimonya sa korte si Saliao.
Habang sinabi ni Justice Secretary Leila de Lima, pinagsusumite na niya ng ulat at rekomendasyon ang WPP kaugnay ng hakbang na gagawin kay Saliao.
(LEONARD BASILIO)
Diin ng massacre witness
PANUNUHOL NG AMPATUANS NARINIG MISMO NI DE LIMA
IPINAGTAKA ng isa sa mga testigo laban sa mga Ampatuan sa Maguindanao massacre case na si Lakmodin Saliao, ang patuloy na pagtanggi ni Justice Secretary Leila De Lima na may suhulang nangyayari dahil aniya narinig mismo ng kalihim ang tangkang pagsuhol sa kanya ng mga Ampatuan.
Ayon kay Saliao, nasa opisina mismo siya ni Sec. De Lima noong tumawag si Andal Ampatuan Sr. sa cellphone at inaalok siya ng P5 milyon upang baliktarin ang testimonya sa kaso at sabihing napilitan lamang siyang tumestigo.
“Nagtaka nga ako, kasi siya rin ‘yung pinaparinig ko no’ng nag-offer ‘yung mga Ampatuan sa akin, pagkatapos ngayon, isa sa mga opisyales, mataas na opisyal ng Department of Justice, idi-deny niya ‘yung mga naganap na suhulan?” ani Saliao.
Aniya, noong araw na iyon ay sinadya talaga niyang i-set up ang nakatatandang Ampatuan upang iparinig sa kalihim ang panunuhol sa kanya. Tinext niya aniya ang nakatatandang Ampatuan at agad na tumawag upang suhulan siya ngunit agad niyang tinanggihan.
“No’ng tanggihan ko, sinabi ni Secretary sa akin, alam mo madali lang pala magkapera ang tao, ako nga matagal na sa serbisyo ‘di pa nakahawak ng buong P5 milyon, tuwang tuwa si secretary that time,” dagdag ni Saliao.
NBI PROBE SINIMULAN NA
SINIMULAN na ng National Bureau of Investigation (NBI) ang pagsisiyasat ukol sa isyu ng suhulan sa panel of prosecutors ng Department of Justice (DoJ) na ibinunyag ni Lakmodin Saliao.
Matatandaang sinabi ni Saliao na umaabot sa P50 milyon ang ipinadala nila para sa panel of prosecutors upang maabswelto ang mga Ampatuan sa massacre case na ikinamatay ng 58 katao. Maging ang ibinunyag ni Atty. Nena Santos na tangkang panunuhol sa kanya ay kasama rin sa iimbestigahan. Sa kabilang dako, sinabi ni Usec. Francisco Baraan III, dapat ilahad na ng mga nag-aakusa sa kanila ang ebidensiya upang malinawan ang isyu.