AYAW TANTANAN NG DIYABLO SI EDNA HANGGANG SA KANYANG PAG-UWI AY MAY PAGTATANGKA SA GURO
“M-may namamahay na diyablo sa bahay na ‘to?” bulalas ng nahintakutang si Fatima.
“A-at ‘yun ang sumapi sa akin kanina?” katal-labing naitanong ni Manang.
“Ganu’n nga po…” tango ng dalagang guro.
Panabay na nagkrus sa dibdib ang magtiyahin sa pagbigkas ng “Hesusmar-yosep.”
Sinabihan ni Edna ang kusinera at ang kasambahay na pamangkin nito na ang mabisang panlaban sa mga kampon ng kadiliman ay ang matibay na pananampa-lataya sa Diyos at kay Jesus.
“Kaya ‘di kayo dapat makalimot na manalangin araw-araw…” paalala pa rin niya.
Matapos likumin ni Edna ang kanyang mga gamit sa mesa ng study room ng batang lalaking tinuturuan ay nagpaalam na siya sa magtiyahin.
“Pakisabi kay Ma’am Shane na babalik na lang ako bukas,” aniya kay Fatima.
“A-ano po ang ikakatuwiran ko sa pagkapunit ng tseke mo?” tanong ng nababahalang yaya-kasambahay.
“Ah, sabihin mong nabasa nang matabig ko ang puswelo ng aking kape,” pagtuturo ng dalagang guro kay Fatima ng kapani-paniwalang alibi.
Lumalabas pa lamang si Edna sa bahay ng mag-asawang Karl at Shane ay sinalubong na siya ng nakapangingilabot na alulong ng dalawang Algerian na nakakulong sa hawla. At habang humahakbang siyang palabas ng gate ng pinagmulang tirahan ay lalong palakas nang palakas ang alulungan ng mga aso. Hindi niya gaanong pinag-ukulan ng pansin iyon. Pero sa likod ng kanyang utak ay naroroon ang ‘di niya maunawaang ibig ipahiwatig ng tila panaghoy na alulong.
Sumakay siya sa isang traysikel. Sinabihan niya ang tricycle driver na ihatid siya sa sakayan ng mga pampasaherong dyip. Mag-aala-siyete pa lamang ng gabi noon pero parang kaydilim-dilim na sa buong paligid ng kalyeng dinaraanan nila. Nasa kalagitnaan na sila ng biyahe nang pumugak-pugak ang motor ng traysikel. Krug, krug, kruuug! At bigla itong tumigil sa pagtakbo. Kasunod niyon ang malakas na hiyaw ng tricycle driver ng “inangkupuuu!”
(Itutuloy)
ni Rey Atalia