NAGDULOT ng pangamba at pagkaalarma sa cabin crew ng isang airline company nang madiskubre ang banta ng bomba na nakasulat sa isang tissue paper sa loob ng lavatory ng isa nilang eroplano na kalalapag lamang sa Zamboanga International Airport sa Zamboanga City mula sa Maynila, nitong Sabado ng umaga, 14 Hunyo.
Ayon sa ulat ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP), 8:20 ng umaga kamakalawa nang mapansin ng isang flight attendant na nagsagawa ng inspeksiyon ang rolyo ng tissue paper na may nakasulat na ‘BOMBA’ sa toilet ng eroplano.
Agad ipinaalam ng flight attendant sa ground security personnel ang natuklasan na mabilis nirespondehan ng CAAP, sa pamamagitan PNP-Aviation Security Group na nag-inspeksiyon at ini-activate ang aviation security protocols.
Matapos ang paggalugad sa lugar, walang nakitang kahit anong uti ng pampasabog o bomba sa loob ng eroplano.
“By 8:59 AM, the situation was declared under control, and normal operations at Zamboanga International Airport resumed. All passengers were cleared for boarding, and flight activities continued without further disruption,” pahayag ng CAAP.
Samantala, pinaalalahanan ng CAAP ang publiko na maaaring maparusahan sa ilalim ng Presidential Decree No. 1727 ang mga magpapahayag ng ‘bomb threats’ o ‘bomb joke’ sa lahat ng paraan.
Itinuturing itong isang krimen dahil sa malisyosong pagpapakalat ng maling impormasyon tungkol sa mga pampasabog na maaring magdulot ng takot sa publiko.