MANILA, Pilipinas — Pinagtibay ng Korte Suprema ang pagbabalik sa serbisyo ng dating District Collector ng Bureau of Customs (BOC) sa Zamboanga City na si Lyceo C. Martinez, at inatasan ang BOC na ibigay sa kanya ang buong back pay matapos mapatunayang hindi makatarungan ang kanyang pagkakatanggal sa tungkulin.
Natanggal si Martinez matapos siyang ideklarang guilty ng Office of the Ombudsman sa kasong “neglect of duty” o kapabayaan. Ang kaso ay nagsimula dahil sa umano’y kabiguan niyang agad na maglabas ng Warrant of Seizure and Detention (WSD) para sa 23,015 sako ng smuggled rice na nasamsam sa Zamboanga noong 2018. Ang naturang bigas ay nawala habang hinihintay ang clearance mula sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Iginiit ni Martinez na sinunod niya ang tamang proseso ng BOC at hindi siya maaaring maglabas ng WSD hangga’t hindi natatapos ng PDEA ang inspeksyon. Dagdag pa niya, hindi siya nag-iisa sa operasyon dahil kasama rito ang iba’t ibang ahensya tulad ng PDEA, Philippine Coast Guard (PCG), at iba pang personnel ng BOC.
Noong Pebrero 28, 2022, pumabor ang Court of Appeals kay Martinez at idineklara na walang bisa ang pagkakatanggal sa kanya. Inatasan din ng korte ang BOC na ibalik siya sa serbisyo at bayaran ng buong back pay. Itinuturing ng appellate court na labis ang parusang ipinataw ng Ombudsman at kinilala rin na gumawa ng hakbang si Martinez upang mahanap ang nawawalang bigas. Napag-alamang hindi siya dapat sisihin sa pagkawala nito.
Umapela ang BOC sa Korte Suprema sa kasong “Bureau of Customs vs. Lyceo Martinez (G.R. No. 262426)” ngunit ito ay ibinasura noong Disyembre 7, 2022. Nang humiling ang BOC ng muling pagtingin sa kaso, tinanggihan ito ng Second Division ng Korte Suprema noong Enero 31, 2024. Inatasan ng korte ang agarang pag-isyu ng Entry of Judgment at idineklarang pinal at ehekutoryo na ang desisyon.
Si Martinez ay muling ibabalik sa kanyang dating posisyon sa BOC at tatanggap ng lahat ng kanyang karampatang benepisyo, kabilang ang back salaries at iba pang pinansyal na entitlements.