PINASINUNGALINGAN ng Department of Education (DepEd) ang isang post sa Facebook na nagsasabing magdaragdag ng Grade 13 sa programa ng Senior High School sa School Year 2025–2026.
Sa isang advisory na ipinaskil ng DepEd sa kanilang opisyal na Facebook account nitong Linggo, 18 Mayo, inilinaw ng ahensiya na walang katotohanan ang kumakalat na larawang nagsasaad ng dagdag na isa pang taon sa K to 12 curriculum.
“Fake news ang kumakalat na Facebook post tungkol sa umano’y dagdag na Grade 13 sa Senior High School para sa SY 2025-2026,” ayon sa advisory ng DepEd.
Pinalalahanan ng DepEd ang publiko na manatiling mapagmatyag laban sa mga maling impormasyon at matutong beripikahin sa mga opisyal na channel.
“Muling pinapaalalahanan ng DepEd ang publiko na mag-ingat at maging mapanuri laban sa misinformation,” dagdag ng ahensiya.
Hinikayat ng DepEd ang publiko na i-follow ang mga opisyal na account ng ahensiya sa social media para sa mga beripikadong update.
Nagdulot ng pagkalito sa mga magulang at mga estudyante ang pekeng balitang magdaragdag ng Grade 13 dahil gumamit ng DepEd layout at logo ang nag-post nito.