
HATAW News Team
ARESTADO ang dalawa pang suspek at itinurong utak sa pagdukot at pagpatay sa steel magnate na si Anson Que at driver nitong si Armanie Pabillo sa isla ng Boracay sa Malay, Aklan kahapon.
Ayon kay Philippine National Police (PNP) chief Gen. Rommel Francisco Marbil, sina Wenli Gong, ang babaeng Chinese na sinasabing mastermind, at Wu Ja Ping ay naaresto sa isang posh island resort dakong 1:54 ng hapon.
Nauna rito, nag-alok ng P5 milyon ang pamahalaan bilang pabuya sa ikadarakip ni Gong.
Sinabi ng impormante, nadakip ang dalawa sa loob mismo ng kuwarto ng resort.
Batay sa imbestigasyon, si Gong, kilala bilang Kelly Tan Lim, ang nagsilbing negosyador sa pagdukot kay Que.
Nabatid na kontrolado ni Gong ang e-wallet na ginamit sa P200 million ransom money na ibinayad ng pamilya Que.
Sa ulat, sinabing bantay sarado ni Gong sina Que at Pabillo sa isang safehouse sa Meycauayan Bulacan kung saan ikinulong at saka pinatay ang mga biktima.
Agad na kinompiska ng mga awtoridad ang cellphone ng mga suspek.