MANANATILI ang operasyon o ‘status quo’ ang pagbiyahe ng motorcycle taxi na Move It.
Inihayag ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) matapos magsumite ng Motion for Reconsideration ang nasabing ride-hailing company.
Tugon ito ng LTFRB sa utos ng Department of Transportation (DOTr) na bawasan ang bilang ng kanilang fleet at pagpapatigil ng operasyon sa ilang lugar na bahagi ng pilot study.
Ayon kay LTFRB spokesperson Atty. Ariel Inton, ang regulasyon ng motorcycle taxis ay nasa ilalim pa rin ng multi-agency technical working group kasama ang DOTr, LTFRB, at LTO, at hindi lamang ang LTFRB ang gumagawa ng desisyon dito.
Tiniyak ni Inton na mananatili o status quo habang pinag-aaralan ng technical working group ang motion for reconsideration ng Move It, kaya patuloy na makabibiyahe ang mga rider.
Sinabi ni LTFRB Chairperson Atty. Teofilo Guadiz III na isinasaalang-alang ng TWG ang kapakanan ng mga motorcycle taxi rider, habang isinusulong ang ligtas at maayos na sistema ng pampublikong transportasyon sa bansa.