NANAWAGAN ang ilang concerned citizens at partylist na magsagawa ang Malacañang ng isang malawakang imbestigasyon dahil sa mga iregularidad na nangyari sa nakaraang halalan na ilang milyong mga balota ang hindi nabilang at hindi pagtugma ng bilang sa mga balota at resulta nito.
Sa isinumiteng complaint letter na ipinadala kay President Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., isang partylist leader na si Jeffrey Santos ang nagsiwalat na ang ginamit na automated counting machines (ACMs) na pag-aari ng Korean firm Miru Systems Inc., ay kinabibilangang ng ilang prominenteng tao kung kaya’t ang ilang kandidato ay nanalo sa eleksiyon na may malaking boto.
Ilan sa mga tinukoy ay mga prominenteng politiko na may koneksiyon umano sa Miru Systems Inc., na maaaring may kinalaman umano sa anomalya sa paggamit ng ACM machines.
Ayon sa pinirmahang complaint letter ni Santos, ang resulta ng partylist ay minanipula ng mga taong may kaugnayan o parte sa operasyon ng Miru system upang makaseguro sila ng boto at makapuwesto sa kongreso o sa senado.
Bukod kay Santos, ilang mga miyembrong organisasyon tulad ng Makabayan coalition ang agarang humiling ng masusing imbestigasyon sa mga alegasyon ng irregularities na naganap noong araw ng halalan.
Nagpahayag ang mga grupong ito ng matinding pag-aalala tungkol sa ilang automated counting machines (ACMs) na iniulat na nagpakita ng maling kabuuang boto at tumanggi sa mga balota.
Dahil dito, nagkaroon ng panawagan para sa detalyado at maingat na pagsusuri ng mga isyung ito upang matiyak ang integridad ng proseso ng halalan.
Nanawagan na rin ang ilang grupo para sa mano-manong pagbibilang ng boto upang malaman ang totoong resulta ng halalan imbes ang mga automated counting machines, na posibleng may resulta bago pa magsimula ang pagboto.