DAGUPAN CITY — Anim katao ang inaresto ng mga awtoridad sa Sitio Mantipac, Barangay
Mayombo dakong 12:08 ng madaling araw nitong Lunes,12 Mayo, ilang oras bago ang pagbubukas
ng halalan, kaugnay ng sinabing pagbili ng boto para sa ilang kandidato sa Dagupan City.
Ayon sa ulat ng Philippine National Police (PNP) Dagupan, nasabat mula sa mga suspek ang
halagang ₱120,600 na nasa loob ng mga envelope na may pangalan at campaign flyers nina
Celia Lim, Bryan Lim, Tope Lim, at ng Tulungan Tayo Partylist.
Kabilang din sa mga nakompiskang ebidensiya ang mga polyeto at sample ballots para sa mga nabanggit na kandidato.
Kinilala ang mga suspek na sina Michael Datuin Adaban ng Brgy. Macomb, Dagupan City;
Eloisa Marie Dela Cruz Soriano ng Brgy. Domalandan, Lingayen; Krizza Joy Agas Estabillo ng
Mabini St., San Carlos City; Cresente Sison Bondoc ng Careenan St., San Carlos City; at dalawang babaeng kinilala sa mga alyas na Ysa at Maria, kapwa mula sa Brgy. Mayombo.
Sinampahan ng kasong paglabag sa Article XXII, Section 261 (a) ng Batas Pambansa Blg. 881 o Omnibus Election Code, na nagbabawal sa pagbili ng boto.
Itinakda ang piyansa sa halagang ₱36,000 para sa bawat akusado.
Nagbigay ng kani-kanilang sinumpaang salaysay ang mga naaresto habang patuloy ang
imbestigasyon ng mga awtoridad upang alamin kung may iba pang sangkot sa insidente.
Sa ngayon, wala pang opisyal na pahayag mula sa mga kandidatong nabanggit kaugnay ng mga materyales na nasamsam.