NAUNA nang iprinoklama ang lahat ang mga nanalong alkalde gaya nina Manila Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso, Quezon City Mayor Maria Josefina Tanya “Joy” Go Belmonte-Alimurung, at Pasig City Mayor Victor Ma. Regis “Vico” Nubla Sotto sa katatapos na midterm elections nitong Lunes, 12 Mayo.
Kasabay din nilang iprinoklama ang kanilang mga bise alkalde na sina Angela Lei “Chi” Ilagan Atienza Valdepeñas ng Maynila; Gian Carlo Gamboa Sotto ng Quezon City; at Robert Vincent Jude “Dodot” Bautista Jaworski, Jr., ng Pasig.
Nakakuha si Moreno ng botong 529,940 habang 583,124 si Atienza sa pinakahuling bilangan.
Sa pagbabalik sa Maynila, binigyang-diin ni Moreno titiyakin niyang lilinis, at aayos ang lungsod maging ang pagpapatuloy sa mga natenggang proyekto sa ilalim ni Mayor Maria Sheilah “Honey” Lacuna-Pangan.
Nagpasalamat ang Isko-Chi Tandem sa mga Batang Maynila na muling sumugal at nagtiwala sa kanila at nangakong hindi bibiguin at ibibigay ang mga ayuda at benepisyo na nararapat sa kanila.
Una nang naantala ang bilangan ng mga balota sa Maynila dahil sa “failure of transmission” mula sa ilang clustered precincts. Pero agad din ipinagpatuloy ng Commission on Elections (Comelec) Manila City Board of Canvassers, sa pangunguna ni Atty. Jericho Jimenez, Election Officer IV.
Samantala, si Belmonte ay nakakuha ng 1,030,000 boto at si Sotto ay 923,680 boto.
Nagpasalamat si Belmonte sa ‘historic 1-million votes’ na nasa kanyang huling termino at nangakong
patuloy na isusulong ang social services, programang pangkalusugan at pabahay para sa QCitizens.
Ipinagmalaki ni dating House Speaker Sonny “SB” Belmonte at ama ni Mayor Joy ang ‘historic 1-million vote’ at sinabing ito ang pinakamataas sa National Capitol Region (NCR).
Ang iba pang nagwaging Metro Mayors na naiproklama ay sina Caloocan City Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan, Malabon City Mayor Jeannie Sandoval, Navotas City Mayor John Rey Tiangco, Valenzuela City Mayor Wes Gatchalian, at Muntinlupa Mayor Ruffy Biazon.