NAKOMPISKA ng Bureau of Customs (BoC) sa South Harbor, Port of Manila, ang hindi bababa sa P50-milyong halaga ng pinaniniwalaang smuggled na vape products.
Ayon kay BoC Commissioner Bievenido Rubio, dinala sa pantalan ang mga puslit na vape products na nakalagay sa dalawang container van noong 20 Enero mula sa China at dumaan sa eksaminasyon ng BoC nitong Lunes, 17 Marso.
Lumabas na mahigit 40,000 units ng vape na nakalagay sa higit 200 kahon ang laman ng mga container.
Dagdag ni Rubio, hindi dumaan sa tamang dokumentasyon ang mga produkto na maaaring hindi ligtas gamitin at nabatid na walang permit mula sa Department of Trade and Industry (DTI).
Hindi humarap ang consignee at broker na nakapangalan sa mga kargamento kaya nagdesisyon ang BoC na buksan ang mga container na unang idineklarang naglalaman ng mga plastic ware.
Ani Rubio, maaaring sadyang hinaluan ng plastik ang kargamento upang maitago ang totoong laman nito at dahil hindi ito regulated, maaaring hindi pansinin at inspeksiyonin ng mga awtoridad.
Tiniyak ng BoC na masasampahan ng kaso ang mga nasa likod ng pagpuslit ng vape products.