NAGPASALAMAT ang sektor ng agrikultura partikular ang Agricultural Sector Alliance of the Philippines, Inc. (AGAP) Partylist sa pagsuporta ng aktres/vlogger na si Ivana Alawi sa kanilang grupo.
“Huwag ako ang inyong pasalamatan dahil dapat kami ang magpasalamat sa inyo dahil ipinaglalaban ninyo na bumaba ang presyo ng bilihin at upang mayroong pang-araw araw na pagkain sa hapag kainan ang bawat mamamayang Filipino, “ tugon naman ni Alawin.
Ipinahayag ni Ivana na noong nakaraang halalan wala siyang sinuportahang politiko o partylist dahil kaniya muna itong pinag-aralang mabuti.
“Napakaarte ko at napaka-choosy pagdating sa politiko. Hindi naman ‘yan para sa akin o ikakaganda ko o para sa pamilya ko. Para ito sa Filipinas, para sa mga kababayan natin. Ano ‘yung makapagpapaganda sa bansa natin,” wika ni Ivana.
At sa kanyang pag-iikot habang gumagawa ng mga content sa kanyang mga vlog nakita niya at naramdaman ang layunin ng sektor ng agrikultura partikular ang mga magsasaka, mangingisda, magbababoy at magmamanok.
At personal na tinuran ni Ivana na ang kanyang napupusuan pagdating sa usapin ng agrikultura at ipinaglalaban ang kapakanan ng mga magsasaka ng AGAP Partylist sa pangunguna ni Rep. Nicanor “Nikki” Briones.
“Sa ngayon, sinasabi ko na very, very confident ako sa AGAP partylist, hindi naman ako pumapasok sa isang partylist na hindi ko pinag-aralan, nakita kong ang AGAP ang may puso sa mga magsasaka,” pahayag ni Ivana.
Ayon kay Alawi, hindi siya tumitingin sa pera para lamang suportahan ang isang Partylist kung ‘di nararamdaman niya ang pangangailangan at paghihirap ng mga nasa sektor ng agrikultura dahil siya mismo ay lumalabas at namimili nang personal sa palengke at nakita niya ang patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin sa mercado.
Pinagtuunan ni Ivana ng pansin kung ano ang magagawa at nagawa na ng isang grupong nais maluklok sa puwesto at talagang ang AGAP Partylist lang ang mayroong ganitong katangian.
Nagpasalamat si Rep. Briones sa pahayag ng aktres na gusto niyang tulungan at suportahan ang nasabing sektor.
Umaasa ang AGAP sa pamamagitan ng pagsuporta ng aktres, makukuha ng grupo ang tatlong puwesto sa Kongreso upang maipakita sa mga magsasaka at mga kooperatiba, at 30 milyong Filipino na nasa sektoral ang kanilang pagmamalasakit.
Ayon kay Rep. Briones, sa pamamagitan ni Ivana maipararating nila na kailangang magkaisa at ipaglaban ang sektor ng agrikultura at kooperatiba tungo sa Bagong Pilipinas na siyang hinahangad din ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr.