NADAKIP ng mga awtoridad ang dalawang indibiduwal na nahulihan ng baril at pagsusugal sa pinaigting na operasyon laban sa kriminalidad sa lungsod ng Malolos, lalawigan ng Bulacan, nitong Linggo, 16 Marso.
Ayon sa ulat na ipinadala kay P/Col. Satur Ediong, provincial director ng Bulacan PPO, nagresponde ang mga operatiba ng Malolos City Police Station sa sumbong ng isang concerned citizen habang nagsasagawa ng patrol sa Brgy. Caniogan, sa nabanggit na lungsod.
Lumalabas sa imbestigasyon, ang biktima at ang suspek ay sangkot sa alitan kung saan pinagbantaan ng suspek ang biktima gamit ang isang air gun rifle.
Agad namagitan ang mga nagrespondeng Tactical Motorcycle Riding Unit (TMRU) na miyembro ng Malolos City Police Station na nagpapatrolya sa lugar at inaresto ang suspek habang hawak ang nasabing riple.
Inihahanda na ang kasong kriminal gaya ng Grave Threat at paglabag sa RA 10591 kaugnay ng BP 881 (Omnibus Election Code) na isasampa sa korte.
Samantala, nagsagawa ng anti-illegal gambling operation ang mga awtoridad ng Baliwag CPS na nagresulta sa pagkakaaresto sa isang sugarol sa Brgy. Poblacion, sa naturang lalawigan.
Huli ang suspek sa aktong naglalaro ng ilegal na coin game o cara y cruz , habang dalawa pang suspek ang nananatiling nakalaya. (MICKA BAUTISTA)