NASAKOTE ang dalawang lalaki sa ikinasang dragnet operation ng mga awtoridad nitong Biyernes, 8 Nobyembre, matapos pagnakawan ang dalawang Japanese national sa lungsod ng Makati.
Kinilala ng Southern Police District (SPD) ang mga suspek na sina alyas Wendell at alyas Jeffrey.
Ayon sa ulat ng pulisya, hinoldap ng mga suspek ang mga biktimang 62-anyos at 33-anyos sa Don Chino Roces Ave., dakong 8:45 pm nitong Huwebes, 7 Nobyembre.
Matapos matanggap ang ulat kaugnay sa insidente, agad nagsagawa ang mga tauhan ng Makati CPS ng dragnet operation laban sa mga suspek na nagresulta sa kanilang pagkakadakip sa harap ng Makati Cinema Square, sa Brgy. Pio Del Pilar, sa nabanggit na lungsod.
Ayon sa ulat ng SPD, dakong 6:50 am noong Biyernes, namataan ng mga tauhan ng Makati CPS ang isang motorsiklong tugma sa inilarawan ng mga biktima.
Nagtangka pang tumakas ang mga suspek sakay ng isang motorsiklong walang plaka ngunit agad naabutan ng mga alagad ng batas.
Nakompiska mula sa mga suspek ang isang X9 9mm baril; magasin na mayroong limang live rounds ng bala; pekeng baril; at ¥10,000 cash.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong pagnanakaw at ilegal na pagmamay-ari ng baril.