Monday , September 9 2024
Manuel Bonoan DPWH Bagyo Carina baha

Walang master plan sa flood control projects  
DPWH OFFICIALS RESIGN – FLOOD VICTIMS

UMUGONG ang panawagan mula saiba’t ibang sektor partikular sa mga biktima ng baha na pababain sa puwesto ang top officials ng Department of Public Works and Highways (DPWH) dahil sa kanilang pag-amin na ang Filipinas ay walang plano sa integrated national flood control kahit malaki ang kanilang pondo na naging dahilan kung bakit nagtutuloy-tuloy ang pagbaha sa Metro Manila at katabing mga lugar, lalo na kapag malakas ang buhos ng ulan.

Ang panawagan ay ginawa matapos aminin ni DPWH Secretary Manuel Bonoan sa senate hearing kamakailan na walang national master plan ang bansa para maresolba ang pagbaha dahil ang pagpaplano ay limitado lamang sa ilang maliliit na lugar.

Nananawagan ang karamihan sa mga flood victims na magkaroon ng senate probe sa sinasabing graft and corruption sa nasabing ahensiya lalo sa implementasyon ng higit 5,000 flood control projects sa bansa na hindi naman nakatulong sa pagresolba ng malawakang pagbaha sa mga lugar sa Metro Manila, lalo sa pinakahuling bagyo na tumama sa bansa, ang bagyong si Carina.

“Wala nang pinipili ang baha ngayon, kahit kaming mga nagpundar ng bahay at lupa sa posh communities sa Quezon City, grabe ang bahang inabot namin. Akala namin hindi na mauulit ‘yung nangyari sa amin noong panahon ng Ondoy, heto naulit na naman sa bagyong Carina. Hanggang ngayon naglilinis pa rin kami,” ayon sa isang residente sa Barangay Sto. Domingo, Quezon City.

Kinuwestiyon ng iba’t ibang sektor ang pag-appoint kay DPWH Asst. Secretary Rey Peter B. Gille bilang officer-in-charge, bilang Director of Region X; kay vice Engr. Zenaida T. Tan na nagretiro na ngunit ngayon ay naka-assign pa bilang Assistant Secretary for CAR, sa Regions 1, II, IX, X, XI, XII at XIII.

Ayon sa report, bilyon-bilyong pondo para sa iba’t ibang infrastructure projects pa ang pinaplano sa mga nabanggit na rehiyon.

May mga nagsasabi na maraming qualified DPWH engineers ang na-bypass sa appointment. May mga nagsabi rin na ang designation ni Gille ang dahilan kung bakit hindi umano napo-promote ang mga qualified at upright DPWH engineers.

Ang DPWH ay mayroong P822.2 bilyong budget para sa 2024, ngunit ang pagbaha ay nananatiling malaking problema, pati ang pagtatapos ng major road projects ay patuloy na naaantala.

Bukod dito, nasa P255 bilyon ang inilagay para sa flood control projects ng DPWH. Ito ay parte ng P5.768 trilyong national budget para sa taong 2024, sinabing napakalaki kung ikokompara sa iba pang sektor na mas nangangailangan ng budget.

Sabi ni Bonoan, mayroong 18 major river basins sa bansa at mayroong mga plano upang ayusin ang bawat river basin ngunit karamihan sa mga nasabing plano ay hindi na updated.

Ayon sa DPWH, ang pagbaha na nangyari kamakailan sa karamihan sa mga bahagi ng Metro Manila at Bulacan ay magpapatuloy pa hanggang sa susunod na 11 taon dahil walang konkretong master plan para sa national flood control.

Sinabi ni Bonoan na ang master plan para sa flood management sa Metro Manila ay hindi pa umabot sa 30% ang nakompleto, matapos ang higit isang dekada nang ito ay naaprobahan.

Binanggit ni Bonoan na nakompleto na ng DPWH ang 5,000 flood control projects magmula nang pumasok siya sa ahensiya, ngunit  nagkaroon pa rin ng problema sa baha ang malaking lugar sa Metro Manila nang hagupitin ng typhoon Carina kasabay ng habagat.

Gayonman, hindi niya na-identify ang exact location ng mga sinasabing flood control projects.

Ayon kay DPWH Undersecretary Robert Bernardo, ang supervisor sa flood control project sa National Capital Region at Central Luzon; at ni DPWH Undersecretary Cathy Cabral, ang in-charge sa Planning and Public-Private Partnership Service, ang indiscriminate disposal ng basura sa waterways ang dahilan kung bakit nagbabaha kapag may bagyo.

Samantala, ayon sa Metro Manila Development Authority (MMDA), ang construction ng malalaking gusali sa mga waterways ang dahilan kung bakit nagbabaha, gayondin ang failure ng DPWH na i-implement ang sinasabing master plan para sa flood control projects.

Sa kabilang banda, ang multi-billion-peso flood control projects sa Bulacan — ang Meycauayan river improvements at ang Obando Dike Flood Control Project – ay napabayaan na kaya ang ilang parte rito ay bumigay na rin na naging dahilan kung bakit nag-overflow ang tubig.

Ang mga flood control projects, kasama na rito ang local flood control projects sa Bulacan province ay nasa ilalim ng supervision ni DPWH Bulacan 1st District Engineer Henry Alcantara.

Sina Bernardo at Cabral ang sinabing nagbigay ng approval sa lahat ng flood control projects na ini-implement sa Bulacan, partikular sa Obando, ngunit ang malalaking mga proyektong ito’y pumalpak at naapektohan pa ang northern parts ng Metro Manila.

Ang Central Luzon kasama na ang Bulacan at ang Metro Manila ay nakaranas ng pagbaha noong nakaraan, na nasira ang karamihan sa mga impraestruktura na nagkakahalaga ng bilyong-bilyong piso.

Ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRDMC), umabot sa 36 ang bilang ng mga taong namatay dahil sa bagyong si Carina, at ang damage naman sa impraestruktura ay umabot halos sa P1.6 bilyon.

Sa Senate hearing, ipinaalala ni Sen. Joel Villauneva ang pangako ni Bonoan last year na ang Central Luzon – Pampanga Floodway ay magbubukas ngayong 2024. Ito umano ay magpapagaan upang mabawasan ang pagbaha sa Bulacan at Pampanga. (HATAW News Team)

About hataw tabloid

Check Also

agta ng Dabaw dumalo sa serbisyo fair

Serbisyo caravan dinagsa sa Davao City

DAVAO CITY – Sa gitna ng kaguluhang bumabalot sa isang kulto rito, dumalo ang mga …

090724 Hataw Frontpage

Sa Lunes  
EX-MAYOR ALICE GUO FACE-TO-FACE SA SENADO

PINAYAGAN ng korte sa Tarlac ang nasibak na alkalde ng Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo …

090724 Hataw Frontpage

Cayetano tiniyak  
BATAS SA NATURAL GAS BUKAS SA INVESTORS PARA SA EXPLORATION

ANG MABILISANG PAGPASA ng Senate Bill No. 2793 o ang panukalang Philippine Natural Gas Development …

Globe celebrates customer loyalty with nationwide G Day festivities

Globe celebrates customer loyalty with nationwide G Day festivities

 GLOBE’S biggest customer loyalty event of the year, GDay, is back. This annual flagship campaign will …

Pasig City

Anti-graft posturing ni Mayor Vico  Sotto hanggang salita lang, — Tayo Pasig Movement

PASIG CITY – Magtatapos na ang dalawang termino ni Mayor Vico Sotto sa non-stop na …