PINALAPIT ni Quezon City Mayor Josefina “Joy” Belmonte ang mga serbisyo at mga programa ng lokal na pamahalaan sa kanyang mga nasasakupan sa pamamagitan ng pagtatalaga ng District Action Offices.
Ito ay matapos maaprobahan ang City Ordinance No. SP-3000, S-2021 o ang Quezon City District Action Office Ordinance, na nagtatatag ng anim District Action Offices na may 42 ‘co-terminus’ na posisyon para sa operasyon ng nasabing mga opisina.
“Ang objective ay mapabilis ang serbisyo sa tao,” paliwanag ni Atty. Bong Teodoro, ang na-appoint na District Action Officer ng District 2, sumasakop sa limang pinakamalalaking barangay kabilang ang Barangay Payatas.
Ani Teodoro, ang mga residente ng anim na Distrito ay ‘di na kailangan magpunta sa city hall para sa kanilang mga pangangailangan.
“Ang set-up ay parang mini city hall sa kanilang mga area. So instead of going to the city hall, maaari silang tumungo sa kanilang district office para matugunan ang kanilang mga kailangan,” ang sabi ni Teodoro.
Dagdag niya, gaya ng mga “libreng gamot” halimbawa, lalo sa matatanda at may mga karamdaman, maaari nang makuha sa mga District Action Office o kaya ay sa pinakamalapit nilang health centers.
Maging ang paglalakad sa mga legal documents ay maaari rin maipaproseso sa nasabing opisina, dahil ang bawat departamento ng lokal na pamahalaan ay may representate din na nakatalaga sa District Action Office.
“Birth or death certificates ay puwede nang makuha sa aming tanggapan. Ang mga permits naman para sa businesses o construction na accessible na online ay maaari rin maproseso rito. Lalo kung wala namang access sa internet ang aplikante,” paliwanag i Teodoro.
Iba pang pangangailangan at mga hinaing ay kaya rin aksiyonan ng mga District Action Officer, ayon kay Teodoro. Kabilang rito ang kanilang pakikipag-ugnayan sa people’s organization upang tugunan ang mga nais maging proyekto sa mga komunidad.
Ang mga District Action Office at ang mga naitlagang Action Officers ay sina dating konsehal Ollie Belmonte, ng 176 E. Beltran St., Brgy. Katipunan para sa mga taga-District 1.
Si Teodoro na District 2 Action Officer ay matatagpuan naman sa Commonwealth Barangay Hall. Ang District 3 ay nasa #25 Calderon St., Brgy. Marilag na pinamumunuan ni Action Officer Thomas John Thaddeus F. De Castro.
Ang District 4 Action Officer ay si Alberto C. Flores na makikita sa Archival Center, sa Scout Reyes, Brgy. Paligsahan. Ang District 5 Action Officer ay si William R. Bawag na nasa Novaliches District Center, Moses St., Jordan Plaines, Brgy. Sta Monica. At ang District 6 Action Officer ay si Atty. Mark Anthony Aldave na makikita sa Barangay Culiat Multi-purpose Bldg., Cenacle Drive, Sanville Subdivision.