WALA na nga sigurong plano si James Reid na makipag-live-in uli kay Nadine Lustre.
Kung mayroon, sa maliit na bahay na lang siguro nila gagawin ‘yon.
Kasi nga ay ibinebenta na ni James ang bahay n’ya na pwede na rin palang matawag na mansyon dahil sa may tatlong palapag ito, may pitong bedrooms, dalawang malalaking kusina, garaheng may espasyo para sa anim na kotse, at may swimming pool na 25 meters ang haba. Nasa Loyola Grand Villas sa Quezon City ang house and lot na 1,000 square meters ang laki. Ang subdivision ay nasa bandang likod ng Mirriam College sa Katipunan Avenue, QC.
Sa mansyon na ‘yon nag-live-in sina Nadine at James ng apat na taon.
Si James mismo ang nag-announce kamakailan sa Instagram n’ya ng pagbebenta ng bahay. Ipinost n’ya sa Instagram n’ya ang anunsiyo ng real estate company na kinuha n’ya para mabenta.
Isang entertainment website ang nag-post ng mga lumang litrato ni Nadine na kuha sa iba’t ibang lugar ng bahay, pati na sa mataas at maluwang na hagdan ng mansyon na may marikit na chandelier.
Abot sa P85-M ang appraisal ng bahay at lupa, ayon sa anunsiyo.
Kung nakabili si James ng ganoong kalaking bahay sa isang sosyal na subdivision, ibig sabihin ay may panahong milyones ang kinikita n’ya. Bayad na naman siguro ang mansion na ‘yon at ‘di nakasangla pa sa bangko (bagama’t pwede rin namang ibenta ang real estate property na nakasangla sa bangko).
Milyones pa rin kaya ang kinikita ni James ngayong hindi na ang Viva Artist Agency ang nagma-manage sa kanya kundi ang kanyang ama?
Parang si James lang ang may-ari niyon at hindi silang dalawa ni Nadine. Laging ang tawag naman ni James doon ay “my house.”
Pero ni isang sentimo mga kaya ay walang naitulong si Nadine sa ipinambayad ni James sa mansyon na ‘yon?
May panahong doon din nakatira ang isang kapatid na buo ni James at mga kapatid n’ya sa ama na dating naninirahan sa Australia, na pinagmulan ni James. (Sa ama n’yang Australian siya pumisan noong hiwalayan ito ng iba n’yang Pinay na nauna nang bumalik sa Pilipinas.)
Sa pagkakaalam namin ay nasa Pilipinas pa ang ilan sa mga kapatid ni James. Malamang na sa bahay na iyon pa rin nakatira si James, pati na ang ama n’ya at mga kapatid.
Pwede pa naman silang tumira roon hanggang ‘di pa bayad ‘yon ng kung sino mang makabibili. O habang ‘di pa naililipat sa bumili ang titulo ng bahay at lupa.
Hindi na ba kaya ng kita ngayon ni James ang mag-maintain ng isang mansyon?
KITANG-KITA KO
ni Danny Vibas