NOON pa man, ang karaniwang nagbubuhat ng bangko na siyang susunod na House Speaker ang siyang lumalabas na kulelat.
Ito ang reaksiyon ng isang political analyst kasunod na rin ng obserbasyon na may frontrunner na sa House Speakership race na maaaring makopo umano ng isang kandidato na may backer na business magnate at isa pa na may nakuhang maraming suporta mula sa mga kapwa mambabatas.
Pinasaringan ni Casiple si House Minority Leader Danilo Suarez sa pagsasabing mayroon nang 153 lawmakers ang lumagda sa manifesto of support para kay Leyte Rep. Martin Romualdez.
Ani Casiple, hindi totoo at maituturing na imposible ang ipinalalabas ni Suarez.
Aniya, walang mambabatas ang lalagda at magbibigay ng kanilang suporta batay lamang sa ipinakalat na manifesto.
Una nang pinangunahan ni Suarez ang pagpapaikot sa Kamara ng manifesto bilang pagsuporta sa pagtakbo ni Romualdez at ipinagmalaki na nakuha ni Romualdez ang magic number para maipanalo ang Speakership.
Komento ni Casiple, karaniwan kung maingay sa laban ay siyang nahuhuli habang ang tahimik ang siyang mas maraming endoso at kompiyansa sa botong makukuha.
Ukol sa suhulan sa Kamara na umabot na umano sa P7 milyon ang vote buying sa Speakership, naniniwala si Casiple sa pagmamaniobra ng business tycoons para maipuwesto ang kanilang manok sa pinakamakapangyarihang posisyon sa Kamara.
Aniya, noon pa man ay may impluwensiya na ang mga negosyante na tahimik na nagpopondo sa kanilang mga kandidato.
Nauna nang iniugnay ang isang business tycoon na umano’y nagpopondo sa kandidatura ni Marinduque Rep. Lord Allan Velasco sa Speakership.
Para naman sa isa pang political analyst na si Ranjit Rye ng University of the Philippines, maituturing na may “edge” sa mga kandidato si dating senator at ngayon ay Taguig Rep. Alan Peter Cayetano dahil siya ang may sinabi pagdating sa lawak ng karanasan sa politika at may mahusay na working relationship sa Pangulo.
Itinuturing na krusyal ang nalalabing tatlong-taon termino ni Pangulong Rodrigo Duterte para matiyak na maisusulong ang kanyang mga legislative agenda.
Dagdag ni Rye, naging vice presidential candidate ni Duterte si Cayetano noong 2016 elections na isa sa mabigat na puntos niya.
Aniya, dito lamang ay iba na ang samahan sa pagitan ng Pangulo at ni Cayetano na wala sa mga kalaban niya sa Speakership race.
HATAW News Team