Wednesday , October 9 2024
Bulabugin ni Jerry Yap
Bulabugin ni Jerry Yap

FDA REU nawa’y maging seryoso sa kampanya vs mga pampabyuting ‘di rehistrado

NATUWA tayo sa ginawa ng Food and Drug Administration – Regulations Enforcement Unit (FDA-REU) na pagsudsod sa mga hindi rehistradong beauty products na ginagamit ng mga kilala at sikat na beauty clinics gaya nga ng Belo (BMG).

Pero ngayong sinimulan na ‘yan ni FDA-REU chief, ret. General Allen Bantolo, na-realize din natin na marami pa rin silang dapat sudsurin.

Hindi ba’t naging lucrative business na nga ‘yan kahit saan?!

Nagsulputan parang mga kabute ang sari-saring beauty enchancement establishments kahit saan.

Alam n’yo naman ang mga Pinoy, napaka-banidoso. Basta sinabing pampaganda, asahan ninyo, pati pang-groceries isasakripisyo para bumyuti lang.

At ‘yan din ang dahilan kung bakit pati ang papaya soap na dating beinte pesos, sumirit na ang presyo naging exclusive pa.

Ganyan katindi ang marketing nila.

Makikita ang mga produktong ‘yan sa mga salon, sa mga cosmetic clinic, beauty parlors, sa tindahan sa Binondo, sa mga derma clinic sa mga mall. Hindi lang basta mall, sa mga hi-end na mall dahil nandoon ang mga target nilang clientelle.

Mayroon nga riyan mga nanghahabol at nanghihila pa ng mga customer at ita-trial ang kalahating mukha at kalahating braso, para mapilitang bumili.

Bibigyan pa umano ng kung ano-anong perks para lang sabihin na murang-mura ang produkto nila.

Usong-uso rin ngayon ‘yung mga tinatawag na drip na idinadaan sa IV ang Glutathione, collagen at iba pang produkto o gamot na magpapaganda raw ng kutis.

At lahat ‘yan ay hindi naman rehistrado sa FDA.

‘Yan ang kailangang trabahuin ni Gen. Bantolo.

At kung magiging seryoso sila riyan, marami silang maililigtas na mga Pinoy na ang tanging layunin ay gumanda at kuminis.

Higit sa lahat, sana ay maging seryoso ang pagsasampa ng reklamo nina Gen. Bantolo laban sa mga ‘tirador’ ‘este sa mga nagpapa­kilalang beauty experts na talaga namang parang tubig kung sumalok ng pera mula sa mga kliyente nilang hindi naman ganoon kayayamanin.

Makatutulong po nang malaki ang kampanyang ito ng FDA – REU dahil kung totoong ang mga produkto ay nakatutulong sa pagpapaganda at pagsasaayos ng kalusugan, maire-regulate ang presyo nito.

Isa lang po ang wish natin sa kampanyang ito ni Gen. Bantolo — huwag lang po sanang maging ‘operation pakilala.’

‘Yun lang po!

DAYAAN SA FILING
OF SALN NA NAMAN!

ANG bilis ng panahon talaga, submission na naman pala ng taunang sworn Statement of Assets, Liabilities and Networth (SALN) para sa ca­lendar year 2017.

Sigurado, marami na naman ang aligaga at maaalarmang government employees/officials kada aabot ang umpisa ng taon dahil hindi malaman kung paano idedeklara at ida-justify ang kanilang mga yaman at ari-arian.

Tiyak rin umano na darami ang mga sinu­ngaling kada dumarating ang panahong gaya nito.

Hehehe…

Gaya na lang ng ilang ahensiya ng gobyerno na kilalang talamak sa corruption.

Matapos ang ilang taon pagtatrabaho sa gob­yerno ay  umaariba na agad sa kalsada gamit ang kanilang naggagandahang SUV o ‘di kaya naman ay kotse na amoy galing pa sa casa!

Nandiyan din sa panig ng mga kababaihan ‘yung mahilig rumampa na akala mo ay mga ‘mowdels’ ng isang fashion magazine habang suot ang kanilang LVs o ‘di kaya ibang signature brands na bags, sapatos o alahas.

Susmaryosep!

Sa panig naman ng mga tinatawag na retirable na sa gobyerno, medyo “passe” na sa kanila ang pumorma o rumampa at ‘di na sila fashion conscious, sabi nga.

Ang concern naman nila ay ‘yung kanilang condo, apartments, farm, resorts, hacienda at paminsan-minsan ay travels sa ibang bansa.

Huwaw!

Life of the rich and famous after their retirement as they may say…

Pero gano’n talaga ang buhay, halos iisa lang din naman ang likaw ng bituka ng ilang nasa gobyerno.

Mayroon talagang mapapalad. Mayroong hindi pinalad. Nandiyan din ‘yung mga tinatawag na madiskarte.

Pero mas marami pa rin ang nagtiyaga na lang sa tinatanggap na suweldo o sahod kaya naman inabot ng retirement pero walang ipinagbago ang buhay nila.

Tsk tsk tsk…

Well, wala naman tayong masamang tinapay kung saan kayo nalilinya sa mga kategor­yang ‘yan.

Just make sure na maging sincere lang sa pagdedeklara ng mga naipon at hard-earned money ninyo.

Kung justify naman ang SALN lalong walang problema.

So, sa darating na April 15 don’t forget to submit your SALN at pagkatapos daan na lang kayo kay “father” at mangumpisal na rin kayo!

Hehehe…

Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com

BULABUGIN
ni Jerry Yap

About Jerry Yap

Columnist at HATAW D'yaryo ng Bayan / CHRONICLE (Customs); National Press Club of the Philippines President (2010-2012), Treasurer (2012), Director (2004-2010) and National Chairman at ALAM (Alab ng Mamamahayag)

Check Also

Dragon Lady Amor Virata

Mga police security ng kandidato alis muna

Isumbong mokay DRAGON LADYni Amor Virata PAG-UUSAPAN na sa Commission on Elections (Comelec) ang araw …

Sipat Mat Vicencio

Lapid, Abby tagilid na kandidato ni Bongbong

SIPATni Mat Vicencio HINDI kakayaning makapasok sa ‘Magic 12’ ang lahat ng kandidato ni Pangulong …

AKSYON AGAD ni Almar Danguilan

Mapayapang eleksyon, target ni PRO3 RD PBG Maranan

AKSYON AGADni Almar Danguilan UMUPO na bilang Regional Director ng Police Regional Office (PRO) 3 …

Sipat Mat Vicencio

Laban ni FPJ:  Inumpisahan ni Grace, tatapusin ni Brian

SIPATni Mat Vicencio NAGSIMULA ang ‘laban’ ni Senator Grace Poe nang bawian ng buhay ang …

YANIG ni Bong Ramos

Vendors muling nag-hari sa Blumentritt

YANIGni Bong Ramos MULI na namang namayagpag ang mga vendor sa kahabaan ng kalyeng Blumentritt …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *