NOONG isang linggo naging epektibo ang dagdag na P21 sa arawang suweldo ng mga manggagawa sa Metro Manila. Nangangahulugan, hindi na P491 ang suweldo kada araw ng ating mga minimum wage earner kundi P512 na.
Maraming nagsasabi na tila wala namang saysay ang sinasabing umento. Hindi rin umano ito mararamdaman ng pamilya ng bawat kasapi ng sinasabing uring manggagawa dahil sa sobrang liit ng halaga.
At lalong hindi rin ito mararamdaman ng mga negosyanteng namumunini sa kanilang mga milyon-milyong pisong tubo. Bakit nga naman daw pumayag na lang nang basta-basta sa ganitong halaga ang mga grupong nagrerepresenta ng mga manggagawa?
Bagama’t sinasabing masyadong maliit ang umentong inaprubahan ng regional wage board, mukhang isang welcome development pa rin itong maituturing sa ating maliliit na manggagawang Pinoy.
Sa kanila, anomang umento ay isang bagay na maaaring makatulong sa kanila. Ang bawat piso ay may pakinabang, lalo sa kanila na ang kada sentimo ay may bilang pa rin.
Sa kanila, puwedeng pandagdag ito sa baon ng anak o kaya ay pandagdag sa panggastos sa bahay. Sa kanila, maliit man itong maituturing o walang halaga sa iba, sa kanila ito ay may tulong.
Hindi man sapat, higit na maigi naman ito kaysa tuluyang wala. Maigi ito kaysa nganga lang habang patuloy na tumataas ang presyo ng bilihin at lumalaki ang pangangailangan ng bawat pamilya.
‘Yung iba na tumutuligsa sa kakarampot daw o tila limos na dagdag suweldo, anong alternatibo ba ang kaya ninyong ibigay?
Baka naman puro lang kayo satsat at puna, pero wala namang maihahatid na konkretong tulong.