SA WAKAS, isang ganap na batas na ang libreng tuition sa state universities at mga kolehiyo. Ito ay matapos lagdaan ni Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte ang Universal Access to Quality Tertiary Education at hindi pakinggan ang suhestiyon ng kanyang Budget secretary na si Benjamin Diokno na i-veto ito dahil sa pangambang walang ipangtutustos ang pamahalaan sa programa.
Tiwala ang pangulo na dapat talagang mag-invest ang gobyerno sa edukasyon ng mga kabataan dahil sila ang susunod na mga lider na huhubog ng kinabukasan ng bansa.
Salamat dahil malaki ang pagpapahalaga ng pangulo sa edukasyon ng ating mga kabataan, lalo sa mahihirap ngunit ganoon na lang ang paghahangad na makatapos ng pag-aaral at gumanda ang kinabukasan.
Ang problema na lang ngayon ay kung sino ba talaga ang dapat makinabang sa programang ito. Naniniwala tayo na dapat pagtuunan talaga ng pansin dito ay mga kabataan, na sa kabila ng kahirapan ay may angking kakayanan at talino na tapusin ang piniling kurso.
Kaya nga, isang malaking hamon ito sa mga magulang at estudyante na mabibiyaan ng libreng tuition. Isang malaking sakripisyo ito at obligasyon na tugunan ang requirement na mapanatili ang magandang grado at matapos ang kanilang kurso at maging isang responsable, kapaki-pakinabang at karapat-dapat na mamamayan ng bansa.
At sa pagkakataong ito, ang mailap na kasabihang “ang kabataan ay pag-asa ng bayan,” ngayon ay maaaring maging makatotohanan.