NAGBANTA si Senate committee on public order and dangerous drugs chairman Sen. Panfilo “Ping” Lacson sa mga sumablay na pulis sa pagsunod sa proseso nang pagsisilbi ng search warrant kay Albuera Mayor Rolando Espinosa.
Ayon kay Lacson, sisikapin nilang matunton ang mga may pagkakamali at pananagutin sa batas.
Matatandaan, si Lacson ang isa sa mga itinuturing na istriktong naging lider ng PNP sa kasaysayan ng nasabing institusyon.
Una nang sinabi ng senador, marami siyang napunang mali sa police operation sa selda ni Espinosa.
Gayonman, bibigyan niya ng pagkakataon ang mga tauhan ng PNP para makapaglahad ng kanilang panig.
24 POLICE PERSONNEL NG CIDG-8 SINIBAK
SINIBAK sa puwesto ang 24 tauhan ng criminal investigation Region 8 at regional maritime group sa Eastern Visayas.
Mismong si PNP chief Director General Ronald dela Rosa ang nag-utos sa pagsibak sa kanila sa puwesto.
Ang 24 police personnel ay pansamantalang itinalaga sa Personnel Holding and Accounting Unit sa Camp Crame habang ongoing ang imbestigasyon ng PNP Internal Affairs Service.
Muling iginiit ni Dela Rosa, walang whitewash sa gagawin nilang imbestigasyon.
Kabilang sa mga sinibak sa puwesto mula sa CIDG-8 ay sina Supt. Marvn Wynn Marcos, Supt. Santi Noel Matira, C/Insp. Leo Laraga, S/Insp. Eric Constantino, S/Insp Deogracias Diaz III, S/Insp. Fritz Blanco, SPO4 Melvin Cayobit, SPO4 Juanito Duarte, SPO2 Alphinor Serrano Jr., SPO1 Benjamin Dacallos, PO3 Norman Abellanosa, PO3 Johnny Ibanez, PO2 Neil Centino, PO1 Lloyd Ortigueza, PO1 Bhernard Orpilla, PO1 Kristal Jane Gisma, PO1 Jerlan Cabiyaan, PO1 Divine Grace Songalia.
Sa panig ng Regional Maritime Unit-8 (RMU-8) ang mga tinanggal ay sina C/Insp Calixto Canillas Jr., Insp Lucresito Candilosas, SPO2 Antonio Docil, SPO1 Mark Christian Cadilo, PO2 John Ruel Doculan at PO2 Jaime Bacsal.