Gud am Señor,
Nanaginip po ako kagabi. Na ako raw po ay nakalilipad. Nag-try po ako ngayon na lumipad hindi naman ako nakalilipad. Ano po ang ibig sabihin ng panaginip ko. Sana po bigyan ninyo ng kahulugan. – Andres ng Batasan Hills, Quezon City. (09161066231)
To Andres,
Kapag nanaginip na ikaw ay lumilipad, ito ay may kaugnayan sa sense of freedom na kung saan noong una ay inaakala mong wala kang kalayaaan o kaya naman ay limitado lamang ito. Dapat pahalagahan at ingatan ang mga magagandang kapalaran na dumarating sa iyo, upang hindi makalagpas sa iyo ang grasya at huwag masayang ang oportunidad na abot kamay mo na. Ipagpatuloy ang pagsisikap at pagtitiyaga, upang ang inaasam mong tagumpay ay makamit at magkaroon ng katuparan. Maaari rin namang sa kaso mo, ito ay isang sagisag ng kagustuhang makatakas sa mga bagay na kinatatakutan o mga bagay o taong gustong iwasan. Ngunit mas makabubuting sa halip na iwasan ay harapin ang mga ganitong sitwasyon o suliranin upang matuldukan na ito.
Hindi porke napanaginipan mo ay mangyayari ito, depende sa sitwasyon dahil may mga naniniwala naman na ang panaginip ay kabaligtaran daw. Dapat din na maging realistic sa pag-arok sa mga napapanaginipan, lalo na kung ito ay imposibleng mangyari. Ngunit tandaan mo sana na lahat ng tao ay maaari at kaya nilang baguhin ang kanilang kapalaran, depende sa kanilang tiwala sa kanilang sariling kakayahan at sa kanilang determinasyon, higit sa lahat, sa pananalig sa Diyos.
Señor H.