Dear Señor H,
Tanong ko lang po, lahat po ba ng panaginip ay kabaliktaran sa totoong pangyayari? Jojo B. Cubao (09333321304)
To Jojo B.,
Ang panaginip ay bunga ng mga bagay na ating nakikita, nararanasan, at nararamdaman sa ating kapaligiran at mga taong nakakahalubilo natin sa pang-araw-araw na buhay. Ito ay maaaring galing din sa ating pananaw sa buhay, kinukuyom na takot, galit, agam-agam, alalahanin, mga dating karanasan, at mga bagay na katulad nito na naimbak sa ating subconscious. Maaaring ang mga bagay na ito ay naisip, narinig, naranasan natin mismo ng direkta, sinabi lang ng iba sa atin o naikuwento, naisip lang natin o pumasok lang sa ating isipan, nabasa sa libro o pahayagan o kauring bagay, napanood sa TV o sa sine at iba pang mga bagay na na-encounter natin bago tayo natulog, sa mga nakaraang araw o linggo, at may mga ilang pagkakataon din na sadyang matagal nang karanasan na animo de javu na nagbalik lang sa ating kaisipan at pananaw sa buhay sa pamamagitan ng panaginip. Dito kadalasang nanggagaling ang bunga ng ating panaginip at siyang pangunahing sanhi o direksiyon ng mga bagay na lumalabas sa ating panaginip. Ngayon, may mga pagkakataong nagkakatotoo talaga ang panaginip na sadyang detalyado talaga. Pero hindi naman ito madalas at masasabi ngang bihira lang ito. May mga matatanda na naniniwala na kabaligtaran ang panaginip, subalit masasabing case to case basis ito. May mga personal na kalaman ako na nagkatotoo ang ilang malagim na panaginip na sadyang detalyado talaga. Pero, hindi sapat na batayan ito para sabihing nagkakatotoo ang panaginip. Kaya inuulit ko na hindi puwedeng sabihin na kabaligtaran o sadyang nagkakatotoo ang mga panaginip. Depende ito sa sitwasyon ng taong nananaginip at sa taong nananaginip. Pero dapat tandaan na nasa sariling kamay at mga desisyon natin ang ating kapalaran at base ito sa ating pagsisikap at pananalig sa ating sarili at sa Diyos.
Señor H.