Makadagdag o makabawas kaya si Korina kay Mar?
Ruther D. Batuigas
August 8, 2015
Opinion
ANG pagkakaroon ng maybahay o asawa na sikat o itinuturing na celebrity ay tiyak na magkakaroon ng malaking bahagi sa isang kandidato.
Kaya nang iendorso ni Pres. Noynoy Aquino si Interior Sec. Mar Roxas bilang standard bearer ng administrasyon para sa 2016 ay napatuon ang atensiyon ng marami sa kanyang celebrity wife, ang broadcaster at TV talk show host na si Korina Sanchez.
Makadaragdag o makababawas daw kaya ito sa botong makukuha ni Roxas?
Bagamat maraming mahihirap ang natulungan sa kanyang programa sa telebisyon ay may mga bulung-bulungan na hindi umano ganito si Sanchez sa tunay na buhay.
May mga negatibong isyu laban kay Sanchez tulad nang akusahan siya ng kanyang katulong ng pambubugbog nang magpaalam na magbibitiw na sa trabaho.
Last year ay nagdeklara si Japanese Prime Minister Shinzo Abe na “persona non grata” si Sanchez, nang dahil sa pahayag sa programang “TV Patrol” na sana ay tumama ang bagyong “Ruby” sa Japan imbes sa Filipinas.
Marami rin ang nabuwisit agad nang magpahayag si Sanchez pagkatapos ng naturang endorsement na ayaw niyang tawaging “first lady” kundi “only lady” kapag nanalong pangulo si Roxas. Kaeendorso lang daw ng mister niya pero parang nakatitiyak si Korina na mananalo na.
Halimbawang nakalusot si Roxas, may mga nagtatanong din kung malampasan kaya ni Korina ang pagiging magarbo sa buhay ni dating first lady at kasalukuyang Rep. Imelda Marcos.
Batid ng mga nakaabot sa panahon ng mga Marcos na kilala si Imelda sa pagkakaroon ng mga mamahaling kasuotan, sapatos, alahas at kung ano-anong gamit.
May panahon pa nga na ipinasara niya ang isang sikat na department store sa New York para makapamili siya sa loob nang mag-isa at walang ibang kostumer.
Kahit mga kababayan ni Roxas sa Capiz ay galit at ayaw siyang iboto. Mantakin ninyong sa nilawak-lawak ng lupa ng kanyang pamilya sa Capiz ay wala silang ibinigay sa land reform para sa mahihirap. Kaya kahit Capizeño ako ay hindi ko iboboto si Mar.
Pero hindi rin naman ako panig kay Vice Pres. Jejomar Binay. Kahit dati kong kaibigan si Binay ay hindi ko siya iboboto. Limpak-limpak ang milyones pero hindi maipaliwanag ang pinagmulan. Nasabit sa mga isyu ng iregularidad na hindi niya kayang harapin sa Senado.
Kaya kung ang dalawa – si Roxas ba o si Binay – ang pagpipilian, mga mare at pare ko, hindi na lang ako boboto. Maging ang mga tapat na mambabasa natin ay wala ring kagana-gana sa dalawa.
Manmanan!
***
PUNA: “Si Binay hindi ibinigay ang retired benefits ng mga retired pulis Makati. Puro alibi. Si Roxas hindi rin ibinigay ang pension at differential ng retired police. Hanggang ngayon dedma, wala lang. Tama ka Sir Ruther, wala na bang iba? Kapal ng mga mukha ng mga pu_______!”
***
TEXT 0905-6767673 para sa inyong mga sumbong, puna at reklamo.