WALA nang pagawaan ng armas ang Moro Islamic Liberation Front (MILF).
Giit ni MILF chief peace negotiator Mohagher Iqbal, inabandona na nila ang arms factory dahil sa usaping pangkapayapaan sa gobyerno.
Kasabay nito, isiniwalat ni Iqbal na bukod sa dating pagawaan, nanggaling ang kanilang mga armas sa mga smuggler at ilang tauhan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP).
“Sa Sulu at ano mang parte ng Mindanao, wala na po, inabandon po namin ‘yang paggawa ng armas. Wala na po kaming arms factory dahil po kung sakaling ipasa ang BBL (Bangsamoro Basic Law), magde-decommission na po ang MILF.”
“Tatlo ang pinanggagalingan ng armas namin – unang-una, binibili namin sa labas, sa mga gun smuggler… pangalawa, ‘yung armas na binili namin, karamihan diyan nanggagaling sa Armed Forces of the Philippines at saka PNP… binenta ng tauhan ng PNP, AFP.”
“Pero before, not now, during the time of Arroyo.” Ikatlo nga aniya ang dating pagawaan ng armas.
Ngunit tumanggi si Iqbal na tukuyin ang bilang ng kanilang armas at hindi rin masabi kung ilan ang galing sa sinasabing gun runners mula sa militar at pulisya.
Una nang naglabas si Sulu Vice Governor Abdusakur Tan ng litrato ng sinasabing pagsasanay ng MILF sa mga miyembro ng Abu Sayyaf Group (ASG) sa Sulu, ngunit hindi makompirma ni Iqbal kung mga miyembro nila ang nasa larawan.