TUMULAK muna papuntang probinsiya ng Masbate bago bumalik sa Maynila ang National Frontline Government Team sa pamumuno ni Interior Secretary Mar Roxas matapos ideklarang ligtas na ang Eastern Samar sa krisis na likha ng Bagyong Ruby.
“Kung ikukumpara natin sa ospital, puwede nang ilabas ang Eastern Samar sa Emergency Room at Intensive Care Unit para ilipat sa regular na kuwarto,” ani Roxas, na siya rin Vice Chairman for Disaster Preparedness ng National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC).
“Pero hindi ibig sabihin na normal na ang pasyente. Kailangan pakainin at alagaan pa nang husto para gumaling agad at bumalik ang dating lakas,” dagdag niya.
Bago pa man tumama sa kalupaan ng Filipinas ang Super Bagyong si Ruby, sumugod na si Roxas at iba pang miyembro ng National Frontline Government Team sa Borongan City, Eastern Samar, para pamunuan ang paghahanda ng mga Local Government Units sa paparating na kalamidad.
Sa Borongan inaasahang tatama ang bagyo na kinatatakutan ng marami na magiging kasing-bangis at kasing-lupit ng Super Bagyong si Yolanda. Bahagyang lumihis si Ruby at unang tumama sa kalupaan ng Dolores, 65 kilometro ang layo mula sa Borongan.
Ayon kay Roxas, nalulungkot siya dahil may siyam na residente ng Eastern Samar ang napaulat na namatay sanhi ng hagupit ni Ruby.
Ganoonpaman, nagpasalamat si Roxas sa mga lokal na opisyales at mga ahensiya ng pamahalaan dahil maraming buhay ang nasagip bunga ng maagap na paghahanda sa pagdating ng bagyo.
“Natuto na tayong lahat sa leksyong dala ni Yolanda.
Nagpapasalamat ako sa ipinakitang pagkakaisa ng LGUs at ahensya ng pamahalaan, kasama ang Armed Forces at National Police, para mailayo sa peligro ang mamamayan,” ani Roxas.
Ayon kay Roxas, naging mahirap ang kalagayan ng Eastern Samar sa unang araw na tumama ang bagyo dahil maraming puno ang bumagsak at bumara sa mga kalsada.
Sinabi ng kalihim na napilitan silang gumamit ng mga motorsiklo para maabot lamang ang bayan ng Dolores.
“Ginawa natin ang lahat ng paraan para marating ang bayan ng Dolores dahil patay na ang lahat ng linya ng komunikasyon nang mga oras na iyon at kailangang masiguro natin na sapat ang pangangailangan ng mga kababayan natin doon,” paliwanag pa ni Roxas.
Bukod sa pagtaya ng mga napinsalang lugar, sinabi ni Roxas na naging pangunahing misyon nila ang pag-aalis ng bara sa mga kalye para masigurong maihahatid ang mga pagkain at tubig sa mga nasalanta ng bagyo.
Makalipas ang tatlong araw, matagumpay umanong nahawan ang mga kalye kung kaya’t nasigurong bukas ang “supply lines” sa Borongan City at 22 munisipyo ng Eastern Samar.
“Ngayon ay regular nang nakapaghahatid ng relief goods ang DSWD (Department of Social Welfare and Development) sa lahat ng bayan ng Eastern Samar kung kaya’t tapos na ang krisis sa pagkain sa nasabing probinsya,” diin ni Roxas.
Sinabi niya na naibalik na rin ang mga linya ng komunikasyon at inuumpisahan na ang pagbabalik ng koryente sa mga lugar na nasalanta ng bagyo.
Bukas na rin umano ang mga palengke at tindahan, at walang naiulat na nakawan ng pagkain at iba pang pangangailangan ng mamamayan.
“Naging listo ang ating mga pulis at disiplinado ang mamamayan kung kaya’t madaling naibalik ang katiwasayan sa mga komunidad,” ani Roxas.
“Umaasa tayo na sa lalong madaling panahon, makababangon na ang Eastern Samar at babalik sa normal ang takbo ng buhay ng mga kababayan natin doon,” dagdag ng kalihim.
May kasamang ulat nina Grace Yap at Karla Orozco