KORONADAL CITY – Sasampahan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD-12) ng kaukulang kaso ang hepe ng CIDG-Sultan Kudarat na nagsagawa nang maling pag-aresto at pagkulong sa kanilang empleyado kasama ang empleyado ng Philippine Red Cross (PRC) habang nagsasagawa ng lecture sa 4Ps benificiaries sa lalawigan ng Sultan Kudarat.
Ayon kay Darlene Geturbos ng DSWD, balak nilang sampahan ng kaso si Insp. Christian Garcia, chief ng CIDG-Sultan Kudarat, dahil sa palpak at mali nilang operasyon sa pag-aresto at pagkulong ng mga tauhan ng DSWD at PRC na hindi man lamang beniripika kung ang mga hinuli nila ang totoong may mga kaso.
Isinalaysay ni Geturbos, nasa kalagitnaan sila ng pagbibigay ng orientation sa mga kasapi ng 4Ps nang bigla na lamang pumasok ang mga miyembro ng CIDG na wala man lamang dalang arrest warrant at hindi naka-uniporme.
Inaresto at pinosasan ang mga social worker ng DSWD at isang miyembro ng Philippine Red Cross at saka ipinasok sa sasakyan.
Bukod dito, kinuha ni Garcia ang isang drawer na naglalaman ng P500.
Ikinulong sila mula 10 a.m. hanggang 3 p.m.
Idinahilan ni Garcia, may natanggap silang text mula sa media na may reklamo laban sa mga hinuli nila ngunit nang tinanong ni Geturbos kung naberipika niya ito, hindi nakasagot ang hepe.
Humiling si Geturbos sa opisyal na mag-public apology na nakatakda sana noong Lunes, ngunit hindi sumipot si Garcia.
Dahil sa ginawa, sasampahan nila ng kasong grave abuse of authority at illegal detention sa NAPOLCOM si Garcia upang maturuan ng leksyon.
HNT