TINANGGAL at pinalitan ni Interior Secretary Manuel Roxas II ang apat sa limang District Director ng Philippine National Police (PNP) sa Metro Manila. Kabilang sa tinanggal sa pwesto, ang pinuno ng Quezon City Police District.
Sa layuning mapahusay ang kampanya laban sa kriminalidad, inaprubahan ni Roxas ang rekomendasyon ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na alisin sa pwesto ang mga district director na sina Chief Supt. Rolando Asuncion ng Manila Police District (MPD), Chief Supt. Edgardo Layon ng Northern Police District (NPD), Chief Supt. Richard Albano ng Quezon City Police District (QCPD), at Chief Supt. Jose Erwin Villacorte ng Southern Police District (SPD).
Tanging si Chief Supt. Abelardo Villacorta ng Eastern Police District (EPD) ang nakaligtas sa balasahan.
Si Villacorta ang nakakuha ng kredito sa pagkakahuli sa 10 pulis ng La Loma Police Station, na sangkot sa EDSA “hulidap” case sa Mandaluyong City.
Si Asuncion ay pinalitan ni Senior Supt. Rolando Nana sa MPD; si Senior Supt. Joel Pagdilao ang pumalit kay Albano sa QCPD; si Chief Supt. Henry Rañola ang bagong pinuno ng NPD; at si Chief Supt. Ferdinand Miano ang inilagay sa SPD.
Bukod sa balasahan sa pwesto ng district directors, umabot 14 station commander sa Metro Manila ang inalis din sa nakalipas na tatlong buwan.
Ang PNP ay nasa ilalim ng pamamahala ng DILG.
Purisima, 11 pa iniimbestigahan ng Ombudsman (Sa maanomalyang PNP contract)
NAGBUO ang Office of the Ombudsman kahapon ng panel na mag-iimbestiga kay Philippine National Police chief, Director General Alan Purisima, ngunit hindi kaugnay sa kanyang mansiyon sa Nueva Ecija kundi sa maanomalyang kontrata na pinasok ng PNP sa courier service noong 2011.
Bukod kay Purisima, 11 iba pang ranking police officials ang iimbestigahan ng Ombudsman’s special panel, kabilang si Police Director Gil Meneses, dating hepe ng Civil Security Group (CSG), at mga dating opisyal ng Firearms Explosive Office (FEO) na sina Chief Supt. Raul Petrasanta, Chief Supt. Napoleon Estilles, Senior Supt. Allan Parreno, Senior Supt. Eduardo Acierto, Senior Supt. Melchor Reyes, Supt. Lenbell Fabia, Chief Insp. Sonia Calixto, Chief Insp. Nelson Bautista, Chief Insp. Ricardo Zapata, at Senior Insp. Ford Tuazon.
Iniutos ni Ombudsman Conchita Carpio Morales ang pagbubuo ng special panel na magsasagawa ng preliminary investigation at administrative adjudication sa dalawang magkahiwalay na reklamong inihain sa nasabing mga opisyal.
Si Purisima ay nahaharap sa dalawang kaso ng plunder kaugnay sa sinasabing tagong yaman.
Kasalukuyan siyang iniimbetigahan kaugnay sa kanyang mansiyon sa San Leonardo, Nueva Ecija, at sa kwestiyonabeng renovation ng PNP chief’s official quarters sa loob ng Camp Crame.