KALABOSO ang tatlo katao kabilang ang isang Filipina mula sa siyam miyembro ng Indian kidnap for ransom group makaraan mabigo sa tangkang pagdukot sa kanilang kababayan na vice president ng Indian Shiek Temple sa United Nation Avenue, Paco, Maynila, kamakalawa.
Kinasuhan ng attempted kidnapping sa Manila Prosecutor’s Office ang mga suspek na sina Joginder Singh, 42, gym instructor, residente ng 698 Rizal Avenue, Malabon City, at Amarjit Singh, 54, naninirahan sa Meycauayan City, Bulacan, kapwa Indian national, at si Gemma Singh y Sumido, 41, ng Silang, Cavite, isang Filipina na nakapag-asawa ng Indian.
Habang nakatakas ang iba pang mga suspek na sina Sukhwinder Singh, Kewan Singh, Frebjot Singh,Gurvinder Pal Singh at dalawang pulis na hindi pa nakikilala.
Sa imbestigasyon ni Chief Insp. Arsenio Riparip, hepe ng Manila Police District-General Assignment and Investigation Section (MPD-GAIS), naganap ang tangkang pagdukot sa biktimang si Gurdev Singh, 65, residente ng 1097 Jordan Plains Subd., Salvadore St., Novaliches, Quezon City, dakong 2 p.m. sa parking lot ng templo sa UN Avenue.
“Nagsimba ‘yung biktima, pagkatapos ng seremonya lumabas na ng templo, papunta na siya sa parking lot, sinabayan ng mga suspek, kabilang ‘yung tatlong naaresto, at kinaladkad sa nakaparadang pulang Mitsubishi Sedan,” pahayag ni Riparip.
Ngunit nakita ng mga security guard ang insidente kaya sinita at hinabol ang mga suspek. Tiyempong may nagpapatrolyang mga pulis kaya naaresto ang mga suspek.
Ayon sa biktima, unang humingi sa kanya ang mga suspek ng P5 milyon ngunit bumaba ito sa P3 milyon. Aniya, pag hindi siya nakapagbigay ay nagbanta ang mga suspek na siya ay papatayin.
Dagdag pa ng biktima, marami nang nakidnap na Indian national ang grupo. “Yun talaga ang trabaho nila, ang mangidnap ng kababayan,” dagdag ng biktima.
(LEONARD BASILIO)